MANILA (Mindanao Examiner / 24 May) – Walang balak ang liderato ng Philippine Army na itago ang mga tauhan nitong nais gisahin ng Philippine National Police (PNP) sa pag-uungkat na may kaugnayan sa pagkawala ng anak ng dating Malaya publisher at aktibistang si Jonas Burgos.
Binigyang-diin ni Army spokesman Lieutenant Colonel Ernesto Torres, Jr. na pahaharapin nito ang isang opisyal at dalawang enlisted personnel ng Bulakan upang maliwanagan ang pulisya sa pagkawala ng plaka ng isang trak na naka-impound sa kampo ng militar at nagamit umano sa sasakyang ipinantangay sa batang Burgos.
Handa rin aniya ang Army na makipagtulungan sa anumang imbestigasyon sa mga miyembro nitong nadadawit sa kaso.
Gayunman, mahigpit ang paninindigan ni Torres na walang itinatago ang militar at hindi nito trabaho ang magsagawa ng sinasabing pagdukot at extrajudicial killings.
Binigyan ng ultimatum ng PNP sina Lieutenant Colonel Melquiades Feliciano, battalion commander ng 56th Infantry Battalion sa Norzagaray, Bulacan, Corporal Castro Bugalon at Private 1st Class Jose Villena hanggang Mayo 31 upang humarap sa Kampo Krame.
Una na aniyang tinaningan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tatlo noong Mayo 10 upang humarap sa mga imbestigador subalit hindi sumipot.
Ngunit ayon kay AFP Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro, kahapon lamang din nagpakita ang mga nabanggit na sundalo sa CIDG.
Partikular na hinihingi ng pulisya ang paliwanag ng tatlong militar sa pagkawala ng plakang TAB 194 na nakarehistro sa pangalang Mauro Mudlong ng Norzagaray, isang bayan sa Bulacan.
"We are giving them until May 31, 2007 to appear before the CIDG to give their side, otherwise they will be cited for contempt. The CIDG has the authority to issue summons and cite for contempt anybody who will ignore these summons," paliwanag ni Chief Superintendent Geary Barias.
Militar ang pangunahing pinagbibintangan ng pamilya ni Burgos sa pagkawala nito. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment