Monday, May 28, 2007

COMELEC's Rene Sarmiento, Magbibitiw Na!

LANAO DEL SUR (Mindanao Examiner / 28 May) – Pumutok kanina ang balitang magbibitiw na umano si Elections Commissioner Rene Sarmiento bilang pinuno ng Task Force Maguindanao, na kung saan ay talamak diumano ang dayaan sa nakaraang halalan.

Sa Maguindanao nagwagi ng landslide ang TEAM Unity sa 12-0 swift na umano’y balot sa karahasan at pananakot.

Hindi pa malinaw ang dahilan ng pagreresign ni Sarmiento, ngunit ayon sa ibang mga impormasyon ay kalusugan ang idinadahilan nito. Biglaan ang naging desisyon ni Sarmiento at ibat-ibang haka-haka ang kumakalat sa Mindanao.

Magbibitiw diumano ito dahil sa hindi masikmura ang matinding dayaan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao at posibleng pinagreresign rin dahil hindi umano nagawan ng paraan na maitago ang mga kalokohan sa Maguindanao, Lanao, Basilan at Sulu na kung saan ay namayagpag ang TEAM Unity kontra sa Genuine Opposition senatorial candidates.

Hindi naman makumpirma ang mga balitang ito, ngunit lumutang na ang pangalan ni Elections Commissioner Nicodemo Ferrer na posibleng pumalit kay Sarmiento.

Pumutok rin ang balita kasabay ng paglabas ngayon araw sa ABS-CBN ng video footage na nakunan ng grupo ni reporter Ricky Carandang na kung saan ay nahuling bitbit ng mga COMELEC officials ang ilang bundles ng blankong election returns mula Marawi City patungo sa isang hotel sa Iligan City.

Nauna umanong itinanggi ito ni Sarmiento, ngunit dakong huli ay inamin rin matapos na makita ang video footage. Sinabi nitong “safekeeping” lamang ang dahil kung bakit inilipat ang mga ERs.

Nagkaroon pa ng sagutan ang grupo ni Carandang sa isang sigang kasamahan ni Sarmiento ng sila’y komprontahin ng media ukol sa ERs.Halos mabulol naman ang lalaki sa kapapaliwanag at pinag-diskitahan pa ang camera man ni Carandang.


Inulat rin kanina ng ABS-CBN na matapos na mailabas ang nasabing video footage ay pinaghahanap na umano ng mga armadong grupo sina Carandang.

Hindi naman agad makunan ng pahayag si Sarmiento sa Lanao at lumipad na umano ito patungong Maynila kahapon sa kalagitnaan ng eskandalo at dayaan na ibinibintang ng oposisyon sa Malakanyang upang papanaluhin ang ilang mga TEAM Unity bets, partikular ang ika-11 at ika-12 puwesto sa Magic 12.

Itinanggi ng Malakanyang at TEAM Unity ang akusasyon.

Sina failed coup leader Antonio Trillanes at Aquilino “Coco” Pimentel Jr na parehong oposisyon ang nasa dalawang puwesto at kulelat naman sina Jose Miguel Zubiri, Mike Defensor at Ralph Recto ng TEAM Unity. (May ulat sina Mark Navales, Merlyn Manos, Juan Magtanggol at Becky de Asis)

No comments: