Tuesday, May 22, 2007

Kapabayaan, Inamin Ng Armed Forces!

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 22 May) – Aminado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagkaroon ng kapabayaan sa mga tauhan ng militar para bantayan ang mga nakukumpiskang sasakyan na nasa kanilang kustodiya.

Ito'y may kaugnayan sa nawawalang plaka ng trak na naka-impound sa kampo ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army ngunit natuntong idinikit sa ibang sasakyan na ginamit sa pagdukot sa anak ng dating Malaya publisher Joe Burgos na si Jonas Burgos.

Sinabi nina AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr. at Army Chief Lieutenant General Romeo Tolentino na maituturing na administrative lapses ang pagkawala ng nasabing plaka ng sasakyan.

Ngunit hindi naman ito pinaniwalaan ng pamilyang Burgos. Militar ang itinuturong nasa likod ng pagdukot kay Burgos na isang aktibista.

Inamin rin ni Tolentino na hindi lamang sa 56th IB nangyari ang ganitong kapabayaan kundi maging sa iba pang kampo kung kayat nagkaroon na rin ng imbentaryo at naparusahan ang mga pumalpak sa seguridad.

Hindi naman aniya inaasahan ng militar na maaaring magamit sa anumang ilegal na aktibidad ng ibang tao ang mga sasakyang nasa kanilang kustodiya dahil nakakalimutan na nila ito sa paglipas ng panahon.

"Sa ibang units napabayaan, nawawala rin, napabayaan. Pero pinag-i-inventory na namin para as of this date alam na natin wala meron tayong record, kasi mas mahirap kung me ganun na situation saka sabihin na nawala eh hindi tayo paniniwalaan ng tao yan," ani Tolentino.

Bahagi aniya ng parusa sa mga ganitong kapabayaan ay ang babala sa mga kumander na lilitaw sa rekord nito at makakaapekto sa promosyon. (Juley Reyes)

No comments: