MANILA (Mindanao Examiner / 30 May) – Umaasa ang ilang opisyal ng militar na hindi magsisilbing inspirasyon sa mga batang sundalo ang napipintong pagkapanalo ni dating Navy Lieutenant Seniorgrade Antonio Trillanes sa Senado.
Ayon kay Army spokesman Lieutenant Colonel Ernesto Torres, Jr. hindi malayong may mga mag-idolo ngayon kay Trillanes at subukang gayahin ang isinakatuparan nitong pagrerebelde at kahit na nakakulong ay may tsansang maging senador.
Isa si Trillanes sa nangunang junior officers nang isagawa ang nabigong mutiny sa Oakwood Hotel, Makati City noong Hulyo 2003.
Si dating Senador Gregorio Honasan umano ang nagsilbing halimbawa ng mga batang opisyal ng militar sa kanilang hangaring ipaglaban ang kalagayan ng mga sundalo at linisin sa korupsyon ang sistema ng gobyerno at Armed Forces.
Si Honasan ay magugunitang dating Colonel na nakisangkot rin sa ilang insidente ng pagrerebelde sa pamahalaan subalit paulit-ulit na nailuluklok sa gobyerno.
Gayunman, malinaw naman aniya ang itinatadhana ng regulasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Articles of War laban sa sinumang magiging pasaway sa hanay ng militar at walang sinuman ang makakalusot dito.
Iginigiit pa ni Torres na may proseso o sistema sa militar para sa pag-aksyon ng anumang hinaing o problema sa institusyon.
Ngunit ayaw man ng militar na sumikat si Trillanes ay hindi makakaila ang kagustuhan ng maraming mga sundalo na magwagi at maupo ito bilang senador.
Maraming sundalo rin ang sumuporta kay Trillanes nuong nakaraang halalan sa kabila ng banta ng kanilang mga commander na nangangampanya diumano laban sa failed coup leader.
Sa Zamboanga City lamang ay nakapaskil ang campaign poster ni Trillanes sa loob mismo ng Edwin Andrews Air Base ng Philippine Air Force. Siguradong gagawan ng paraan umano ni Trillanes na makulong ang mga tiwaling opisyal ng militar at pamahalaan sakaling manalo bilang senador at isulong ang interes ng Armed Forces.
Sa pinakahuling partial and official tally ng Commission on Elections, nakapako sa ika-11 puwesto si Trillanes o pasok pa rin sa Magic 12 ng senatoriables. (Ulat nina Jukey Reyes at Juan Magtanggol)
No comments:
Post a Comment