QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 22 May) - Wala pa rin matibay na ebidensya ang Philippine National Police (PNP) upang iugnay at idiin ang sinumang pulitiko sa insidente ng panununog sa Pinagbayanan Elementary School sa bayan ng Taysan sa lalawigan ng Batangas.
Sinabi kanina ni PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) head Chief Superintendent Geary Barias na bagamat may mga lumulutang na indikasyon na posibleng dawit ang ilang mga pulitiko sa panununog.
Naniniwala si Barias na pulitika ang motibo ng panununog kung saan ay isang guro at isang poll watcher ang nasawi kamakailan.
Kasabay nito, kinasuhan na ng Criminal Investigation and Detection Group si Inspector Robert Marinda ng Calabarzon Regional Special Action Group matapos na positibong ituro ng testigo na sangkot sa panununog.
Kabilang sa ikinaso sa Batangas prosecutor's office ay ang arson resulting to multiple murder at multiple serious physical injuries.
Ayaw ring agad paniwalaan ng PNP ang depensa ni Marinda na inosente ito at nagturo pa ng ibang politiko na sangkot sa krimen.
Katwiran ni Barias, maaaring depensa lamang din ni Marinda ang maghanap ng damay ngunit tuloy ang pag-iimbestiga at prosekusyon.
"We believe we have a very strong case, because positive identification during the line up and the circumstances surrounding all those things," ani Barias.
Samantala, wala pang maikaso ang PNP sa isa pang pulis na idinadawit sa insidente na si SPO1 William Relos, Jr., bunsod ng kawalan ng testigo at ebidensya laban dito.
Unang ibinintang ng PNP sa rebeldeng New People’s Army ang panununog hanggang sa lumabas ang pangalan ng mga pulitiko at ang mga parak. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment