MANILA (Mindanao Examiner / 01 May) – Mahigpit ang babala ngayon ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga miyembro ng organisasyon hinggil sa pangangampanya para kay retired Army Major General Jovito Palparan na kumakandidatong kongresista sa ilalim ng Bantay party list group.
Sa harap ito ng paglaganap ng mga text message sa mga sundalo hinggil sa pagsuporta sa kandidatura ng dating heneral.
Binigyang-diin ni AFP Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na ang lantarang pagsuporta at pangangampanya sa sinumang kandidato ay paglabag sa direktiba ni Chief of Staff General Hermogenes Esperon na pagdistansya sa partisan political activities at may kaukulang parusa.
"Soldiers cannot publicly campaign for or against any candidate. That will be construed as participating in partisan politics. They can be investigated and of course, commensurate punishment will be given," ani Bacarro sa pahayagang Mindanao Examiner.
Sa isang text message na kumakalat sa mga kampo ng militar ay ito ang nakasaad: "Sugpuin ang komunismo sa Pilipinas! Iboto ang Bantay party list para ipaglaban ang ating kapayapaan at demokrasya."
Bago ang pagreretiro ni Palparan, umani ito ng matinding pag-alma buhat sa mga makakaliwang grupo dahil sa umano'y mga paglabag sa karapatang pantao at pagpaslang sa ilang militante.
Samantala, sinigurado naman ng militar na hindi makaka-apekto ang role nito sa kasalukyang operasyon kontra rebelde at mga teroristang grupo.
Katwiran ni Bacarro, nadagdagan lamang ang responsibilidad ng mga sundalong kikilos sa halalan ngunit mismong sa mga lalawigan na pinagsisilbihan nito rin magmumula ang puwersa.
Wala aniyang magiging problema dahil hindi naman magbabago ang bilang ng mga sundalong kikilos sa isang lalawigan. Ngunit, depende naman sa bigat ng sitwasyon kung kukuha ng ayudang puwersa ang militar mula sa kalapit na tropa ng mga sundalo.
"It will just be additional tasking but it wont in any way mean na mabababa or malolower yung pagtutok sa ating internal security operations campaign," ani Bacarro.
Gayunman, naninindigan ang opisyal na ang anumang hakbang ng AFP para sa deputization sa halalan ay mahalagang may basbas ng Commision on Elections (Comelec).
Samantala, nilinaw ni Bacarro na depende sa tindi ng kaguluhan sa isang lugar ang laki ng checkpoints na ilalatag nito. "In areas that there are indicators na may kaguluhan, as preemptive measure, we can establish a bigger number of checkpoints," dagdag ng AFP Chief. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment