MANILA (Mindanao Examiner / 02 Apr) - Hawak na ngayon ng Philippine National Police Region 1 ang isa sa mga suspek sa pagpaslang kay Mayor Julian Resuello ng San Carlos City sa Pangasinan.
Kinumpirma ito ni Region 1 Police Director Chief Superintendent Leopoldo Bataoil bagamat tumanggi pang pangalanan ang salarin na nakatakda ring iprisinta ni PNP Chief Director General Oscar Calderon.
Subalit nabatid kay Task Force Usig head Chief Superintendent Geary Barias na ang suspek ay nakilalang si Angelito Soriano. "Charges have been filed against Angelito Soriano," ani pa ni Barias.
Naniniwala si Barias na may kinalaman sa pulitika ang pagpatay kay Resuello."We believe this killing is politically motivated," wika pa nito, ngunit hindi naman ito nagbigay ng karagdagang detalye ukol sa krimen dahil patuloy umano ang imbestigasyon sa naturang pagpatay.
Natagpuan sa isa sa mga pagamutan sa Pangasinan ang naturang suspek matapos na masugatan sa nakalipas na pakikipag-engkuwentro sa mga awtoridad nang isakatuparan ang krimen.
Ayon kay Bataoil, positibong tinukoy ng isa mga sugatan ring pulis ang nasakoteng suspek.
Samantala, mula sa P300, 000 reward money ay itinaas na ito sa kalahating milyon upang agarang madakip ang isa pa sa gunmen na lumikida kay Resuello. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment