Monday, May 07, 2007

U.S. Magsasagawa Ng Hostage Crisis Seminar

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 07 May) – Manghihimasok na umano ang Estados Unidos sa isinasagawang pagsasanay ng mga pulis sa kalakhang Maynila sa pagtugon sa hostage crisis.

Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Deputy Director General Reynaldo Varilla na maaaring makapagbigay ang Amerika ng mas komprehensibong seminar hinggil sa hostage crisis management.

Kasabay nito, ipagpapatuloy pa rin ng kapulisan ang seminar pagkatapos ng May 14 elections.

"We will continue with (the seminar) after the elections. In fact, we are coordinating with the US Embassy so that the seminar will be a comprehensive one," ani Varilla sa Mindanao Examiner.

Tanging ang Manila Police District sa limang distrito sa NCR ang nakapagsagawa ng seminar sa hostage negotiation sa kanilang mga tauhan.Nabatid kay Senior Superintendent Cipriano Querol, hepe ng MPD directorial staff, na nagawa nang makapagtapos ang dalawang batch ng mga sumailalim sa hostage-negotiation seminar na binubuo ng 91 tauhan.

"Mukhang na-absorb naman nila yung training. In fact, maganda nga yung participation ng mga estudyante kasi nagkaroon kami ng command post exercise where we created some scenario," wika ni Querol.

Binabalak rin ni Varilla na magpatupad ng regular na command post exercise sa hostage negotiation upang matiyak na palagiang handa ang mga tauhan sa anumag sitwasyon.

Ang lahat ng distrito sa Metro Manila ay obligadong ipasailalim sa naturang pagsasanay.

Noong Marso 28, magugunitang hinostage nina Armado "Jun" Ducat at kasamahan nitong si Ceazar Augusto CArbonell ang mga guro at estudyante ng sariling pre-school nito sa Tondo, Maynila upang ipaabot ang hinaing laban sa gobyerno. (Juley Reyes)

No comments: