MANILA (Mindanao Examiner / 25 Jun) – Bulag pa rin ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga sinasabing heneral na handang tumulong at magbigay ng mga ebidensya kay Senator-elect Antonio Trillanes IV upang idiin ang militar sa umano’y pagkakasangkot ng kapwa heneral sa extrajudicial killings ng mga militante at aktibista sa bansa.
Pilit naman pinalulutang ni AFP spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro ang tatlong heneral na handing lumabas at tumestigo upang mabigyan umano ng kredibilidad ang kanilang mga alegasyon.
Ngunit malaki ang hinalang oras na lumutang ang tatlong heneral ay siguradong babalikan sila ng AFP at posibleng masibak pa sa puwesto upang pagtakpan ang pagkakasanggkot ng ibang heneral sa extra-judicial killings.
Sinabi ni Bacarro na patuloy ang kanilang pagbeberipika kung sinu-sino ang mga nasabing heneral at seryosong inuungkat ang mga akusasyon bagamat pinaninindigang hindi polisiya ng AFP ang makisangkot sa political killings.
Aminado si Bacarro na nahihirapan ang AFP na paghahanap sa mga naturang heneral na posibleng pinalulutang lamang din ng nais manira sa organisasyon.
"It can be rumors that could have been manufactured by some interest groups with the intent of destroying the Armed Forces. Though, we are not ignoring it, it is also a concern of the AFP, that's why we are conducting the verification," ani Bacarro.
Hindi aniya madali ang beripikasyon dahil posibleng magkamali sa kanilang konklusyon kung kayat kailangan ring maging maingat.
Gayunman, may babala si Bacarro na mahaharap sa paglilitis ng military court ang mga naturang heneral kung hindi ito tatalima sa chain of command.
Unang kumanta sa media ang dalawang heneral na nagsabing naroon sila sa isang pulong ng pagusapan ang umano’y planong paglikida sa mga militante at aktibista. Mula ng umupo si Pangulong Gloria Arroyo nuong 2001 ay umabot na sa halos 900 ang bilang ng mga aktibistang napapatay. Marami sa kanila ay dinukot at hindi na matagpuan. (Juley Reyes at Juan Magtanggol)
No comments:
Post a Comment