Monday, June 04, 2007

Failed Coup Leader, Palaban!

MANILA (Mindanao Examiner / 04 Jun) – Ipinangako ngayin ni dating Philippine Navy Lieutenant Seniorgrade Antonio Trillanes ang lahat ng paraan upang mailigtas ang mga nakapiit na opisyal ng militar na idiniin sa nabigong kudeta laban sa administrasyon Arroyo.

Sinabi ni Trillanes na gagamitin nito ang mga legal na hakbang sa sandaling mailuklok na sa Senado para matulungan ang grupo nina dating Marine Commandant Major General Renato Miranda, dating Scout Ranger chief Brigadier General Danilo Lim at Colonel Ariel Querubin.

Ikinatwiran nito na kung tutuusin ay hindi dapat nasa kulungan ang mga opisyal na naghahangad lamang ng pagbabago at mailabas ang kabulukan ng administrasyon.

"They are not supposed to be there. They risk their lives and detained because they attempted to fight against the wrong system," ani Trillanes sa pahayagang Mindanao Examiner.

Naninindigan rin si Trillanes sa harangin nitong masibak sa posisyon ang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil hinding-hindi aniya malilinis ang pamahalaan hanggat ito ang nakaupo sa kapangyarihan.

Samantala, wala namang balak ang dating opisyal ng militar na iwanan ang mga kasamahang detenido dahil sa Oakwood mutiny sakaling manalong senador at hindi pa rin naaabswelto sa kaso.

Ayon kay Trillanes, maaaring ihirit na lamang nito sa Makati Regional Trial Court na payagan na makadalo sa mga sesyon ng Mataas na Kapulungan ngunit babalik sa kulungan pagkatapos.

Sinabi pa ni Trillanes, ika-11 sa mga lumalamang sa bilangan ng Commission on Elections at National Movement for Free Elections, na matatalo lamang ito kung garapalan ang gagawing pandaraya ng pamahalaan.

Kasunod ni Trillanes sa bilangan sina Ralph Recto at Juan Miguel Zubiri at ipinahayag nito na masungkit ang huling mga posisyon sa Magic 12 kung puwersahan nang isasakatuparan ng administrasyon ang pandaraya.

Sinabi pa ni Trillanes na mahahalata na ng husto at posibleng maging mitsa ng pag-aalma ng taumbayan kung dadayain ng Malakanyang ang bilangan ng mga boto upang ilusot sina Recto at Zubiri sa ika-11 at 12 puwesto.

Kasabay nito'y umapela si Trillanes sa kunsensya nina Recto at Zubiri kung hahangarin na manalo sa pamamagitan ng manipulasyon ng mga boto.

Sina Trillanes at Atty. Aquilino Pimentel III ang nananatiling nakapako sa ika-11 at 12 batay sa pinakahuling resulta ng canvassing ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Trillanes, maliwanag sa kanilang mga dokumento at impormasyon na pasok siya sa ika-11 posisyon na may kalamangang 250,000 boto kay Pimentel na lamang naman ng 140,000 hanggang 150,000 kay Zubiri na nasa ika-13.

Binanggit pa nito na kung tutuusin ay nadaya pa siya ng administrasyon ng isang milyong boto na maglalagay sana sa kanya sa ika-8 o 9 na ranggo.

Tinitiyak pa ni Trillanes na hindi nito palalagpasin ang mga opisyal ng Comelec na nakisangkot sa dayaan ng administrasyon at may mga ebidensya silang ilulutang sa mga susunod na linggo.

Samantala, imposible naman para kay Trillanes na makadalo sakaling magkaroon ng proklamasyon ang Comelec bunsod na rin ng higpit ng seguridad na kinakaharap nito. (Juley Reyes)

No comments: