Sunday, June 24, 2007

Fr Bossi, Wala Pa Rin Balita!

Ang larawan ito ay mula sa blog site ng Pontifical Institute of Foreign Mission sa Pilipinas at sa orihinal na litrato ay nakasaad ang panagalan: Father Giancarlo Bossi. Ito kaya ay si Fr Bossi? Nakalubog pa sa putikan ang kanyang mga paa at isang M16 ang nakatutok sa kaawa-awang lalaking ito na mukhang dayuhan dahil sa maputi at mabalahibong mga binti. Hindi nagsabi ang PIME kung ang litrato ay ipinadala ng mga kidnappers bilang pruweba na buhay pa ang Italyanong pari. (Mindanao Examiner)



ZAMBOANGA SIBUGAY (Mindanao Examiner / 24 Jun) – Wala pa rin balita ang mga awtoridad sa kinaroroonan ng Italian priest na si Giancarlo Bossi – dalawang linggo matapos itong dukutin ng mga rebeldeng Muslim sa lalawigan ng Zamboanga Sibugay.

Maging ang Pontifical Institute of Foreign Missions (PIME) na kinabibilangan ni Bossi ay abala sa paghahanap sa pari na umano’y nasa grupo ni Akiddin Abdusallla, isang rogue commander ng Moro Islamic Liberation Front.

Itinanggi ng MILF na may kinalaman ito pagdukot kay Bossi at nasa Abu Sayyaf na umano si Abdusallam. Ngunit tumutulong umano ang MILF na mabawi si Bossi.

Ngunit posibleng may sikretong negosasyon ang PIME o kaya ang Italian Embassy sa mga kidnappers at gamit ang MILF upang mapalaya si Bossi.

Ito ay dahil inilagay ng PIME sa isang blog ang litrato ng mga mabalahibong binti ng isang Caucasian na lalaki na nakalubog ang mga paa sa putikan sa gitna ng mangrove marshland at doon nakalagay ito: Father Giancarlo Bossi. Isang M16 automatic rifle rin ang nakatutok sa lalaki.

Hindi ipinakita sa larawan ang mga mukha ng naroon sa hindi malamang dahil.

Naunang sinabi ng Italian Embassy na handa itong makipag-negosasyon sa mga kidnappers na umano’y humiling ng isang milyong dolyar kapalit ni Bossi.

Karamihan sa mga dinukot na dayuhan sa Mindanao ay napapalaya lamang kapalit ang ransom. Bukod kay Bossi ay dinukot na rin noon sina Italian priests Luciano Benedette at Giuseppe Pierantoni na parehong napalaya matapos na iuamno’y magbayad ng malaking ransom ang pamahalaan ng Pilipinas at kanilang embahada.(Mindanao Examiner)

No comments: