MANILA (Mindanao Examiner / 13 Jun) – Ipinagkibit balikat lamang ng mga opisyal ng militar ang babala ng ilang retiradong heneral na maaaring magkaroon ng kudeta o demoralisasyon sa hanay ng Armed Forces ang nabibiting proklamasyon ni failed coup leader Navy Lieutenant Seniorgrade Antonio Trillanes.
Si Trillanes ay ika-11 sa Magic 12 ng senatorial candidates ng Genuine Opposition at posibleng ma-proklama kung hindi magbabago ang bilangan ng boto sa Commission on Elections.
Sinabi ni Armed Forces spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro na malabong mangyari na ikadismaya ng mayorya ng mga sundalo na mauuwi sa kudeta, lalo na ang mga bumoto kay Trillanes ang posibilidad na mabaligtad ang resulta Commission on Elections.
Malinaw naman aniya sa kasundaluhan ang proseso ng halalan at ang pagdistansya sa usaping pulitikal.Idinagdag pa ni Bacarro na makabubuting ipaubaya na lamang din sa Comelec ang desisyon at hintayin ang hakbang nito kung kailan opisyal na maidedeklarang nanalong senador si Trillanes.
Una na ring pinagdududahan ng kampo ni Trillanes na ang nauudlot na proklamasyon ay dahil sa posibleng niluluto pang pandaraya ng administrasyon upang ilaglag ang dating opisyal ng militar.
Naniniwala rin si Bacarro na sa mga ganitong usapin ng nabibiting proklamasyon ay mahalaga ang maitutulong ng inilunsad nitong survey upang magkaroon ng information drive at maunawaan ng mga sundalo ang tamang proseso.
Sa pagsusumikap aniya ng AFP leadership na magkaroon ng epektibong kampanya ng impormasyon ay maiiwasan na may umalma o magbalak ng pagrerebelde sa hanay ng militar. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment