MANILA (Mindanao Examiner / 29 Jun) – Inakusahan ni Sen. Antonio Trillanes IV ang kandidato ng Team Unity na si Juan Miguel "Migz" Zubiri na nakinabang sa dayaan nitong nakalipas na halalan.
Pormal nang nakapanumpa kanina bilang senador ang dating opisyal ng Philippine Navy na nanguna sa pag-aaklas ng militar noong Hulyo 2003 laban sa administrasyong Arroyo.
"I wouldn't want a cheat to join me in the Senate," ani Trillanes.
"I believe Congressman Zubiri knows deep in his heart that he benefited from cheating. If he is decent enough, he wouldn't accept victory in the Senate race because that is not something you want your kids to emulate," dagdag na patutsada nito.
Matapos ang pagbibilang ng mga boto buhat sa Maguindanao ay nalamangan na ni Zubiri si Genuine Opposition candidate Atty. Aquilino PImentel III. Ang certificate of canvass sa Maguindanao umano ay sinasabing balot ng pandaraya pabor sa mga pambato ng administrasyon.
Binatikos naman ni Zubiri ang dating opisyal ng militar at libelous umano ang paratang ni Trillanes sa kanya.
Bukod kay Zubiri ay tinirada rin ni Trillanes si Pangulong Gloria Arroyo at ipinangakong hahalungkutin ang "Hello Garci" scandal sa Senado.
Samantala, inaantabayan pa rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang magiging desisyon ng Makati Regional Trial Court hinggil sa hahawak sa kustodiya kay Trillanes.
Nakapiit pa rin ang senador bunsod ng kinakaharap na kasong kudeta sa civilian court at paglabag sa Articles of War ng militar matapos masangkot sa Oakwood mutiny.
Ayon kay Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro, ngayong pormal nang matatawag na senador si Trillanes, mahalaga sa AFP na mabigyang-linaw kung sila pa rin ang magdiditine kay Trillanes.
Kahit aniya may legal na implikasyon kung hindi mapunta sa kanila ang kustodiya, sapat na rin na malinawan ito ng korte at hindi na aapela pa ang AFP.
Iginigiit lamang ng AFP na matiyak na mapapalutang sa mga paglilitis ng General Court Martial si Trillanes. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment