Tuesday, June 19, 2007

Walang Loyalty Check Sa Mga Sundalo: AFP

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 19 Jun) – Wala umaning balak ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsagawa ng loyalty check sa hanay nito kasunod ng sinasabing pagkatig ng dalawang heneral sa hirit ni Senator Antonio Trillanes IV na ungkatin ang extrajudicial killings ng militar.
Nananatiling kumpyansa ang AFP sa pagtalima ng mga myembro nito sa batas at regulasyon kung kayat malabong makisangkot sa paglikida ng mga militante o aktibista.
Ayon kay AFP spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro, mahigpit ang pagrespeto ng mga sundalo sa karapatang pantao bilang bahagi ng mga isinasagawa nilang pagsasanay.
Hindi rin aniya dapat makalimutan ng publiko na ang komunistang grupo ay kilalang pumapatay ng sariling miyembro lalo na ang mga pinagdududahang espiya ng gobyerno at militar.
Samantala, tinitiyak naman ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr., na nakahanda itong humarap sa anumang pagsisiyasat na nais ipatawag ni Trillanes kaugnay sa political killings.
Gayunman, ipinunto ni Esperon na umiiral ang Executive Order 464 at ang pagharap nito sa congressional inquiry ay nakadepende sa magiging basbas ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang Commander-in-Chief.
Hinahamon pa nito ang mga nagdidiin sa militar sa extrajudicial killings, maging ang dalawang heneral na sinasabing nagkumpirma nito, na maglabas ng ebidensya sa akusasyon.
Binigyang-diin pa ni Esperon na walang polisiya sa AFP na tugisin ang mga militanteng organisasyon. (Juley Reyes)

No comments: