Monday, July 02, 2007

Dating Security Adviser, OIC Defense Chief Na; Bumanat Agad!

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 02 Jul) – Aminado ngayon ang kaluluklok na Officer-in-Charge ng Department of National Defense (DND) na si National Security Council (NSC) Adviser Norberto Gonzales na tagumpay o nakalalamang ang mga kalaban ng Estado sa mapanirang propaganda.

Isinagawa kanina ang turn-over ceremony sa Tanggulang Pambansa na pansamantalang pangangasiwaan ni Gonzales sa loob ng isang buwan bago maupo si Tarlac Rep. Gilbert Teodoro Jr. sa Agosto 3.

Ang dating kalihim na si Hermogenes Ebdane Jr., ay ibinalik sa Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos ang limang buwang panunungkulan sa DND. Sa kanyang talumpati, sinabi ni Gonzales na tuluyang nadidiin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa usapin ng extrajudicial killings dahil sa kampanya ng mga kalaban tulad ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA).

"Enemies are successful in showing that we are wrong. This cannot be allowed to happen. The communists is using the killings as propaganda, unnecessarily blaming the government," ani Gonzales.

Sa isang buwang magiging pag-upo ni Gonzales ay tiniyak nito sa mga miyembro ng AFP na hindi na magagamit ng mga rebelde at terorista ang black propaganda upang linlangin o papaniwalain ang taumbayan.

Pinayuhan rin ng kalihim ang militar na isakatuparan ang trabaho nang matahimik.Nais ni Gonzales na maipursige ang mga pagsisiyasat sa pagkakadawit ng militar sa political killings at bigyan ng pagkakataon ang mga kaanak ng biktima na makapagsalita para sa panig nito. (Juley Reyes)

No comments: