BASILAN (Mindanao Examiner / 30 Jul) – Mataas ang tension sa Basilan province dahil sa nakaambang paglunsad ng punitive actions laban sa Moro Islamic Liberation Front rebels na siyang pumatay sa 14 na marine soldiers, sampu sa mga ito ay pinugutan ng ulo sa labanan.
Ito ay matapos na panindigan ng MILF na hindi nito isusuko ang mga rebeldeng sabit sa pagpatay. Itinanggi rin ng rebeldeng grupo na pinugutan nila ng ulo ang mga tropa ng military.
Bukas magtatapos ang pinalawig na ultimatum ng pamahalaan sa MILF dahil sa isinagawang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na naganap sa bayan ng Al-Barka nuong July 10.
Nagbigay na ng go-signal si Armed Forces chief Gen. Hermogenes Esperon na ilunsad ang punitive actions. “It is D-Day on Tuesday,” ani pa ni Esperon.
Hindi naman natinag ang MILF sa bantang pagsalakay ng mga sundalo at sinabing matagal ng naghihintay ang puwersa ng rebelde sa Basilan at handa umano ang mga ito na ipagtanggol ang kanilang sarili.
Kasalukuyang may peace talks ang MILF at pamahalaan at tahasang sinabi ni Mohagher Iqbal, chief peace negotiator ng mga rebelde, na anumang pagkilos ng military kontra sa kanyang grupo ay isang paglabag ng cease-fire.
Sinabi ni Iqbal na nais ng MILF na maresolba sa mapayapang paraaan ang gulo sa Basilan upang hindi maapektuhan ang peace talks o kaya ay kumalat ang labanan sa ibang bahagi ng Mindanao kung sakaling lusubin ng mga sundalo ang kuta ng MILF sa Basilan.
“Sana ay magkaroon ng magandang paguusap pa at ng hindi magkaroon ng anumang kaguluhan sa Basilan,” ani Iqbal sa Mindanao Examiner.
Sinabi ni Iqbal na napatay sa labanan ang mga sundalo ng marines dahil pinasok nila ang kuta ng MILF ng walang koordinasyon.
Pinaghahanap umano ng mga sundalo ang dinukot na Italian Catholic priest na si Father Giancarlo Bossi matapos na may lumabas na ulat na naroon ang dayuhan.
Ngunit negatibo ang intelligence ng military at si Bossi ay napalaya sa Lanao del Norte nuong July 19 matapos ng 39 araw na pagkakabihag ng mga rogue MILF rebels. (May ulat ni Mark Navales)
No comments:
Post a Comment