Thursday, July 05, 2007

Jonas Burgos Report, No Way!

MANILA (Mindanao Examiner / 05 Jul) – Tuluyan nang isinara ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakataon para sa pamilya ng dinukot na aktibistang si Jonas Burgos na makakuha ng sipi ng resulta ng imbestigasyon nito hinggil sa naturang insidente.

Ito'y makaraang ihayag ngayon ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr. na batay sa rekomendasyon ng isinagawang pag-aaral ng Judge Advocate General's Office (JAGO), hindi maaaring isapubliko o ipamahagi ang ulat ng imbestigasyon ng Provost Marshal.

Ang Provost Marshal ang nag-ungkat ng sinasabing pagkawala ng plaka ng sasakyang naka-impound sa kampo ng 56th Infantry Battalion at namataang ginamit sa get-away vehicle nang dukutin si Burgos.

"There's no need, they have studied it and the advised to me, I'm taking that, there's no need to release it," ani Esperon.

Humihingi ng kopya ang ina ni Jonas na si Editha sa pagbusisi ng AFP sa naturang usapin ngunit una na ring tinanggihan ng militar sa katwirang konpidensyal na dokumento ito kung kayat nag-akusa na pinagtatakpan ni Esperon ang kanyang mga tauhan.

Naninindigan muli si Esperon na wala rin namang mapapala ang pamilya Burgos sa Provost Marshal report dahil natutuon lamang ito sa nawawalang plaka at hindi sa paghahanap ng responsable sa pagdukot kay Jonas.

"As of now that should remain as an internal document to us… It hasserved its purpose as far as we are concerned in the armed forces," ayon pa kay Esperon. "We will come up with the whole picture as soon as we get more details," dagdag ni Esperon.

Kasabay nito, sinabi ng heneral na masyadong maaga upang idiin ang komunistang grupo sa pagkawala ni Burgos na una na ring pinalulutang ni Army Chief Lieutenant General Romeo Tolentino. (Juley Reyes)

No comments: