Tuesday, July 03, 2007

Kontaminadong Gatas Nasa Pamilihan Pa Rin?

CEBU (Mindanao Examiner / 03 Jul) – Sa kabila ng kautusan ng pamahalaan na tanggalin ang ilang mga produkto ng Wyeth na umano'y kontamindao mula sa pamilihan sa buong bansa ay patuloy pa rin diumanong nakikita sa maraming lugar sa Visayas ang mga infant formula nito.

Ipinag-utos ng Bureau of Food and Drugs na tanggalin ang mga canned infant milk matapos na matagpuan ang mga lata nitong may kalawang, partikular ang mga lumabas o gawa mula Mayo 23 hanggang Hulyo 26 nuong nakaraang taon at mga productkong may Lot No. 172.

Sinabi naman ng Department of Health sa Visayas na walang mga kontaminadong infant milk sa mga supermarkets at drug stores sa Cebu, taliwas sa mga nagkalat na balita.

Ngunit posibleng nasa mga tindahan at parmasya ang ibang Wyeth products. Kabilang sa mga ipinag-utos ng BFAD na tanggalin sa pamilihan ay ang Bonna, Promil, Bonakid, Bonamil at Progress Gold.

Sinurado naman ng Wyeth na nakikipagtulungan ito sa BFAD at DOH upang maialis ang mga depektibong produkto at sa katunayan umano ay naglabas rin ito ng Telephone Hotline 02-8199384 at ang Toll Free 1800-10884-2222 upang tugunan ang anumang katanungan o reklamo ukol sa mga gatas nito. (Mindanao Examiner)

No comments: