MANILA (Mindanao Examiner / 04 Jul) - Kinatigan ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang ipinataw na parusa ng Armed Forces General Court Martial laban sa 54 na junior officers na idinadawit sa bigong kudeta noong Hulyo 2003.
Ito'y makaraan ang dalawang buwan na pumasok sa plea bargaining agreement ang nasabing mga nagrebeldeng sundalo kung saan ay inamin ng mga ito ang kasalanan kapalit ng pagbaba ng sentensya.
Una nang hinatulan ng dishonorable discharge sa serbisyo at pitong taong pagkakabilanggo ang mga nasabing sundalo. Ngunit makakalaya na ang mga ito sa Enero 27 ng susunod na taon dahil sa naisilbing panahon ng pagkakakulong mula nang isakatuparan ang naudlot na kudeta.
Nabatid kay AFP spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro na inaprubahan ni Arroyo ang desisyon ng military court bagamat may kapangyarihan itong baguhin o baligtarin ang hatol.
"She agreed with the sentence and verdict given by the court martial," ani Bacarro. "The approval of President Arroyo on the decision rendered by the GCM manifests that justice has been served and that the military justice system is reasonable as it is harsh."
Kasabay nito, binigyang-diin ni Bacarro na nangangahulugan lamang ngayon na walang puwang ang military adventurism sa organisasyon at hindi kukunsintihin ang mga lumalabag sa chain of command.
"Military adventurism has no place in a democratic society, it will not be tolerated and that disciplinary action will, in all cases, beclear, swift, and decisive," diin pa ni Bacarro.
Naghain ng guilty plea ang naturang 54 opisyal dahil sa mga paglabag sa Article of War 97 (conduct prejudicial to good order and military discipline). Kapalit nito ang pagbasura na sa mga kasong paglabag sa Articles of War: 67 (mutiny), 63 (disrespect to the President), 64 (disrespect towards superior officer), at 96 (conduct unbecoming an officer and a gentleman).
Hindi kabilang sa 54 opisyal si Senador Antonio Trillanes IV, na dating opisyal ng Navy as sabit sa bigong coup. May kinakaharap itong kaso ng kudeta sa Makati Regional Trial Court. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment