Tuesday, July 24, 2007

Senador Trillanes, Aapela Sa Korte Upang Makalabas!

MANILA (Mindanao Examiner / 24 Jul) – Hihilingin umano ni Senator Antonio Trillanes IV sa Makati Regional Trial Court na mapayagan itong makapagpyansa upang makadalo sa mga sesyon ng Senado.

Sinabi ng senador na kasalukuyang nakapiit sa Marines headquarters sa Fort Bonifacio sa Taguig City na magsasampa ang kanyang abogado ng petisyon kay Judge Oscar Pimentel ng Branch 148 ng Makati RTC upang pansamantalang makalaya.

Bagamat ibinasura noong Mayo 9 ang unang motion to post bail ni Trillanes upang makapangampanya, iba na umano ang sitwasyon ngayong isa na siyang halal na mambabatas.

Naninindigan naman si Attorney Reynaldo Robles na maging ang Korte Suprema ay naniniwalang marapat mapagbigyang makapagpyansa si Trillanes bagamat isang non-bailable offense ang kinakaharap nito, dahil sa malabong posibilidad na takasan ang prosekusyon.

Inihalimbawa ng abogado ang desisyon ng Supreme Court sa Justiniano Montano vs Felicismo Ocampo nang maharap ng capital offense si Montano ngunit pinagpyansa sapagkat imposibleng makatakas sa social standing nito.

Isusumite rin ni Robles sa korte ang resolusyon ng Senado na nagbibigay suporta kay Trillanes na dumalo sa mga sesyon at trabaho ng Mataas na Kapulungan.

Ito rin ang hiniling ng mga senador kahapon upang pahayagan si Trillanes na magampanan ang kanyang tungkulin. Nais ng ibang mga senador na kaalyado ni Trillanes na sa Senado na ibigay ang kustodiya sa dating coup leader. (Juley Reyes)

No comments: