Sunday, September 16, 2007

Indon JI Militant, Hawak Ng Militar Sa Zamboanga City

ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / 16 Sept) – Hawak ng Western Mindanao Command ngayon ang isang Indonesian Jemaah Islamiya militant na umano’y kasamahan ni Bali bomber Dulmatin.

Ito ang kinumpirma sa Mindanao Examiner ni Maj. Gen. Nelson Allaga, hepe ng Western Mindanao Command, at sinabi nito na kasalukuyang iniimbestigahan ang dayuhan na kasama sa anim na umano’y Abu Sayyaf na nadakip sa lalawigan ng Palawan nitong buwan lamang.

“Iniimbestigahan pa naming ito at may operation kasi eh kaya hindi kami puwedeng magbigay ng anumang impormasyon ukol sa nahuli,” wika nito.

Ngunit sa kabila ng mahigpit na pagbibigay nito ng impormasyon ay kinumpirma naman ni Allaga na may koneksyon kay Dulmatin ang nadakip na dayuhan.

Alarmado naman ngayon ang mga taga-Palawan dahil sa sunod-sunod na huli doon ng mga terorista. Matindi ang operasyon ng militar sa Midnanao at Sulu at maraming mga Abu Sayyaf ang nagsisitakas at hinihinalang nagtatago ang mga ito sa Palawan, Basilan, Tawi-Tawi at Zamboanga.

Nitong buwan lamang ay 3 hinihinalang Abu Sayyaf na siyang nasa likod ng pagpapasabog sa Zamboanga City nuong Aug. 21 ang nahuli at isa pa ang nadakip sa General Santos City.

Si Dulmatin, na isa rin Indonesian, ay kasama sa mga Jemaah Islamiya militants na nagpasabog ng mga bomba sa Baili island resort nuong 2002 na ikinamatay ng 202 katao, kabilang ang 88 Australians.

Bukod kay Dulmatin ay nasa Mindanao rin ang kasamahan nitong sina Umar Patek at Zulkfli bin Hir, na pinuno naman ng Kumpulan Malaysia, isang radical na grupo na kaalyado ng Jemaah Islamiya. (Mindanao Examiner)

No comments: