Friday, September 28, 2007

NHA namahagi ng certificates sa Sulu

Ipinapakita ni Sitti Radzma Jadjuli ang kanyang certificate of payment mula sa National Housing Authority bilang katunayan na siya ang nagmamay-ari ng kapirasong lupain sa bayan ng Indanan sa Sulu. (Mindanao Examiner Photo Service)


SULU (Mindanao Examiner / 28 Sept) – Halos 200 pamilya ang nabigyan ng kanilang mga certificates mula sa National Housing Authority matapos na mabayaraan ang mga lupaing kinatitirikan ng kanilang mga bahay sa bayan ng Indanan nitong lalawigan.

Hindi naman maitago ng mga pamilya ang kanilang kagalakan at pasasalamat sa NHA at pamahalaan. Kamakailan ay ginanap ang awarding ng mga certificates sa Indanan na kung saan ay pinanguhanan nina Sulu Gov. Sakur Tan at alkalde ng bayan na si Alvarez Isnaji.

Hinimok naman ni Tan ang mga may-ari ng lupa na lalong magsumikap para sa kinabukasan ng kanilang pamilya. Doon ay sinabi rin ng gobernador ang mga magagandang plano nito sa lalawigan upang maisulong ang patuloy na pag-unlad ng Sulu.

Kasama nina Tan at Isnaji ay mga ibat-ibang opisyal ng naturang bayan at lalawigan, gayun si Engr. Al-Khwarizmi Indanan, ang district manager ng NHA sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.

Kabilang sa mga opisyal ay sina Hussin Ahajan, ang bise-alkalde ng Indanan, Abdullah Hayudini, isa sa mga Barangay chairman sa nasabing bayan; Abdulpatta Saddarani, mula sa tanggapan ni Rep. Yusop Jikiri; at Hector Buclao, miyembro ng Sanguniang Panlalawigan.

“Nagpapasalamat talaga ako sa lahat ng mga opisyal ay nabigyan na rin kami ng certificate na magpapatunay na kami ay may-ari ng lupain. Malaking tulong ito sa kinabukasan ng mga bata,” ani pa ni Sitti Radzma Jadjuli, isa sa mga nabigyan ng certificate. (Mindanao Examiner)

No comments: