Si Sulu Gob. Sakur Tan habang pinakikinggan ang mga hinaing ng mga guro sa Sulu. Dumulog sa gobernador ang halos 100 mga guro upang ipabatid ang kanilang mga hinaing ukol sa ibat-ibang problema. (Photo contributed by Ahmad Fabi)
SULU – Nagbabantang mag-aklas ang mga guro mula sa mga government schools upang i-protesta ang umano’y pagkakaantala at kawalan ng mga sahod nito sa mga nakalipas na buwan mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Inireklamo rin ng mga guro ang diumano’y kawalan ng aksyon ni Sulu School District head na si Delfin Unga ukol kanilang hinaing.
Kamakailan lamang ay nakipagpulong ang halos 100 guro kay Sulu Gov. Sakur Tan upang idulog ang kanilang mga problema. Dito ay inisa-isa ng mga guro ang kanilang hinaing – mula sa naantalang sahod ng mga regular teachers hanggang sa kawalan ng sweldo ng mga temporary teachers sa buong lalawigan.
Maging ang mga contributions ng mga ito sa Government Service Insurance System o GSIS ay hindi rin umano matagpuan o kaya ay hindi nai-remit sa pamahalaan. Dumaraan kasi ang lahat ng mga ito sa ARMM kung kaya’t hirap ang mga guro na ito’y reklamo.
Tinatayang mahigit sa 5,000 ang apektado nitong problema. Nangako naman si Tan na idudulog ang problema sa Department of Budget and Management at sa ARMM at Pangulong Gloria Arroyo ang mabigat na pasanin ng mga guro sa Sulu.
Ngunit maging si ARMM Gov. Zaldy Ampatuan ay hindi rin mahagilap sa opisina nito sa Cotabato City dahil ni anino ay hindi umano makita sa kanyang tanggapan. Palagi umano itong nasa kanyang bahay sa Shariff Kabunsuan at dismayado na rin ang mga empleyado ng ARMM.
Maging sa mga lalawigan na sakop ng ARMM ay hindi riin mabisita ni Ampatuan. Tagilid umano ang katayuan nito kung muling tatakbo sa susunod na taon sa halalan sa ARMM.
Pinaghahandaan na umano ng mga guro ang kanilang demonstrasyon na isasagawa sa tuwing matatapos ang klase o kaya ay sa tuwing Sabado at Linggo. Suportado naman ito ng mga mga Parents-Teachers Association at mgaing ng mga estudyante. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment