Saturday, October 20, 2007

RDX, Bagong Sandata Ng Terorismo Sa Pilipinas

MAKATI CITY (Mindanao Examiner / Oct. 20, 2007) – Nahaharap sa panibagong panganib ang bansa matapos ng madugong atake sa Glorieta Mall sa Makati City na kung saan ay 9 na katao ang nasawi at 129 iba pa ang sugatan.

RDX ang nakitang kemikal na ginamit sa pagpapasabog sa Glorieta, ayon sa pulisya.

Posibleng ito ang kauna-unahang kemikal na ginamit sa atake sa bansa, maliban sa ginamit ng al-Qaeda operative na si Ramzi Yousef ng pasabugin nito ang dalang kemikal sa loob ng PAL flight patungong Tokyo nuomng December 1994.

Sa bomba ni Yousef ay liquid nitroglycerin ang pangunahing sangkap nito at naipuslit sa PAL Flight 434 gamit ang maliit na bote ng contact lens cleaner.Ngunit mas matindi ang RDX – na ang ibiog sabihin ay Research Department composition X – na pangunahing sangkap sa mga pampasabog ng gamit ng mga international terrorists.

Kalimitang inihahalo ito sa TNT at ginagamit rin sa C4 plastic explosives. RDX rin ang ginamit ng al-Qaeda at grupong Lashkar-e-Toiba sa madugong atake sa Bombay sa India nuong March 1993 na ikinamatay ng mahigit 300 katao at pagkasugat naman ng halos 1,500.

Gayun rin sa mga serye ng pambobombang naganap nuong July 2006 sa Mumbai Western Railway na ikinamatay ng 209 katao at pagkasugatan ng 700 iba pa.

Talamak sa India, Saudi Arabia at Afghanistan ang RDX dahil sa matinding puwersa nito sa paggawa ng bombang gamit ng terorista.

Malaki ang hinalang kagagawan ng mga al-Qaeda o Jemaah Islamiya ang pagsabog sa Glorieta, ngunit matindi rin ang bintang na posibleng pakana ito ng mga nasa pamahalaan o militar upang iligaw ang isyu ng bribery ng Malakanyang sa mga mambabatas at gobernador nitong linggo.

Ngunit itinanggi naman ito ng pamahalaan at sinabing hindi kayang gawin ng sinumang nasa gobyerno ang bintang.

Unang pinagsuspetsahan ang Moro Islamic Liberation Front sa atake ngunit walang RDX sa arsenal ng MILF, maliban sa mga mortar bombs. At gayun rin sa Abu Sayyaf na ang tanging gamit sa atake ay mortar bomb at TNT at ammonium nitrate.

Matindi ang bigat ng hinala sa al-Qaeda at Jemaah Islamiya dahil sa kakayahan nitong maglunsad ng malaking pambobomba ng tulad sa Bali resort sa Indonesia nuong 2002 at iba pang lugar sa Afghanistan. Ang RDX ang kalimitang gamit ng al-Qaeda sa kanilang pambobomba, ngunit mas nakakatakot umano ang paggamit nito bilang detonator sa isang nuclear bomb.

Posibleng mga Pilipino o Indonesian o kaya ay Malaysian na miyembro ng dalawang grupo ang nasa likod ng Glorieta bombing, ayon pa sa ilang mga intelligence analysts. (Mindanao Examiner)

No comments: