Thursday, November 15, 2007

Basilan, Nakaluksa Pa Rin Sa Pagkawala Ni Wahab Akbar!





Mga larawan ng naging kaganapan sa lalawigan ng Basilan sa pagdating ng labi ni Rep. Wahab Akbar nuong Miyerkoles, Nob. 15, 2007. (Mindanao Examiner Photo Service)


BASILAN (Mindanao Examiner / Nov. 15, 2007) – Nakaluksa pa rin maraming Muslim at Kristiyano sa lalawigan ng Basilan, isang dalawang araw matapos na mapatay si Rep. Wahab Akbar.

Napatay ito matapos na sumabog ang isang bomba sa labas lamang ng south entrance ng House of Representatives habang kausap si Sandra Cam, isang kaibigan, ukol sa pondong hinihingi kay Sen. Jingoy Estrada.

“Malungkot pa ang lahat sa naganap at hindi pa rin makapaniwala sa naganap kay Congressman Akbar,” ani Chris Puno, ang provincial spokesman at dating tagapagsalita ni Akbar.

Inamin naman ni Mayor Tahira Ismael, ng bayan ng Lantawan, na tila may abilin na si Akbar bago pa man ito mapaslang. Nuong buhay ay nabanggit ni Akbar na kung sakaling siya ay mapatay ng mga kalaban ay sabihin umano sa mga angkan at tagasunod na huwag gaganti.

“Totoo iyan…sinabi noon ni Congressman Akbar sa akin na kung siya ay mapatay ng tao ay sabihin sa mga kapatid na huwag gaganti,” wika pa ni Ismael na kamag-anakan rin ni Akbar.

Wala pa rin umako sa pambobomba at maging ang pulisya ay nagsabiong patuloy sila sa imbestigasyon. Sinabi ng pulisya na nakalagay sa isang nakaparadang motorsiklo ang bombing sumabog ilang dipa lamang sa kinatatayuan ni Akbar na noon ay pauwi na sana.

Ngunit mabilis naman na umeksena ang military at sinabing trademark ng Abu Sayyaf ang naturang pambobomba. Kasabay naman nito ang biglang pagpapadala ng text mula sa cellphone ang isang nagpakilalang Abu Sayyaf sa ABS-CBN sa Zamboanga upang akuin ang pagpatay.

Lalo lamang nagbigay ito ng malaking duda na posibleng may kinalaman ang militar sa pagpatay kay Akbar. Ito rin ang hinala ng mga kaalyado at malapit kay Akbar sa Basilan dahil isinabit noon ng militar ang dating ustadz sa pagpugot ng ulo sa 14 na sundalo sa bayan ng Al-Barka nitong taon.

Sinasabing isa si Akbar sa mga bumo ng Abu Sayyaf na ang tunay na pangalan ay Al-Harakatul Al-Islamiya na ang ibiog sabihin ay “bearer of the sword.” Itinanggi ito ni Akbar nuong buhay pa. (Mindanao Examiner)

No comments: