Matindi ang mga ebidensyang nakuha ng pulisya at militar sa bahay sa Payatas, Quezon City na ginamit bilang hideout ng mga umano’y miyembro ng Abu Sayyaf na posibleng may kinalaman sa pambobomba sa Batasan Pambansa na ikinamatay ni Basilan Representative Wahab Akbar at driver nito, gayun rin ang dalawang iba pang congressional aides.
Isa sa napatay ay dating driver umano ni ex-Basilan Rep. Abdulgani Salapuddin na kilalang katungali ni Akbar sa pulitika sa kanilang lalawigan. Mariing itinanggi naman ni Salapuddin ang mga alegsasyong may kinalaman ito sa pagsabog o pagpatay kay Ustadz Akbar na dating commander ng Moro National Liberation Front, katulad rin ni Salapuddin.
Inaasahang magiging madugo ang halalan sa 2010 dahil sa naganap na pagpatay kay Akbar. Nagpahayag na rin ang Commission on Election na magpapatawag ito ng special elections sa Basilan dahil sa pagkawala ni Akbar.
Si Jum Akbar, na isa sa apat na asawa ng napatay na mambabatas ay siyang gobernador ng Basilan. Ang isa pang asawa na si Cherry Lyn Akbar ay alkalde naman ng Isabela City sa naturang lalawigan.
Mataas ang tensyon ngayon sa Basilan dahil maiinit pa ang mga tagasunod ni Akbar at inaasahang magkakaroon ng gantihan, partikular sa pamilya ng mga napatay na tatlong Muslim at tatlo pang iba na nadakip sa Payatas.
Sinabi na rin ng pulisya na si Akbar ang target ng pambobomba.
Isang motorsiklo na ipinarada sa south entrance ng Batasan Pambansa ang kinabitan ng bomba at saka ito pinasabog ng makalapit si Akbar sa kanyang sasakyan.
Talaga umanong may konspirasi sa pambobomba dahil ang CCTV ng south entrance ay ibinaling sa lugar mula sa orihinal nitong posisyon ng sa gayon ay hindi makita ang nag-iwan ng motorsiklo. Nakapagtataka rin na walang guwardiya sa lugar ng pinagsabugan.
Ilang saksi naman ang nagsabing nakita nila ang dalawang lalaking may suot ng itim na jacket at may marking House of Representatives na papalayo sa south entrance sakay ng isang motorsiklo at isa sa kanila ay nakasuot pa ng crash helmet. Ganito rin ang nasamsam ng mga pulis at sundalo sa hideout ng Abu Sayyaf sa Payatas.
Subalit sa kabila ng lahat ay pilit pa rin na iginigiit ng militanteng Gabriela party-list na target ng pagsabog ay si Rep. Luzviminda Ilagan, isa sa mga sugatan sa pambobomba. Nasawi rin ang driver nito sa pagsabog.
Paniwala ni Ilagan na siya nga ang tunay na target at hindi si Akbar. Ito rin ang isinisigaw ng Gabriela. Hindi lamang Gabriela dahil maging si House Speaker Jose de Venecia ay sinisabing target ang mga mambabatas sa pagsabog upang takutin ang mga ito sa anumang isinasalang na batas at imbestigasyon na posibleng may kinalaman kay President Arroyo.
Malinaw na propaganda ang habol ng Gabriela at ni De Venecia at gayun rin ang ibang nagsasabing sila ang target o pananakot sa mambabatas ang terorismong naganap sa Batasan Pambansa.
No comments:
Post a Comment