Ang protesta ng mga transport groups sa Davao City sa Mindanao sa mga larawang ipinadala sa Mindanao Examiner.(Kuha ni Keith Bacongco ng AKP Images)
QUEZON CITY, Pilipinas (Mindanao Examiner / Dec. 14, 2007) – Inako ngayon ng Kilusang Mayo Uno at iba pang mga militanteng grupo at transport organizations na malaking tagumpay ang naganap na protesta kontra sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin sa bansa.
“Sa panimulang arangkada pa lamang ay tagumpay na ang pambansang protesta at welgang transportasyon na inilunsad ng PISTON at mga samahan sa transport sa ilalim ng All Transport Forum Against Oil Price Increase,” ani ng KMU sa ibinigay na pahayag sa pahayagang Mindanao Examiner.
Kahapon lamang ay nagsabi si Kal. Angelo Reyes ng Department of Energy na wala nang magaganap na anumang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo hanggang katapusan ng taon, na tahasang bumabawi sa pahayag ng mga kumpanya ng langis na may underrecovery pa sila na P1.50.
Pinatutunayan din nito na hindi tutuong “walang magagawa” ang gubyerno. Mas mahalaga, napatampok ng pambansang pagkilos ang tatlong pangunahing panawagan ng mga driver at mamamayan: ang pagpapatigil sa pagtaas ng presyo ng langis; ang pag-alis sa RVAT o buwis sa langis; at ang pagbabasura sa Batas Deregulasyon sa Langis, ayon pa sa KMU.
Dahil sa kampanyang inilunsad ng PISTON, naging usap-usapan ang paggamit ng oil cartel sa Oil Deregulation Law para lalong palobohin ang tubo nito mula sa produktong petrolyo.
Naging tampok din ang kainutilan, kundi man ang pakikipagsabwatan ng gobyerno ni Arroyo sa mga kumpanya ng langis. Laluna't nagdagdag pa ito sa presyo ng langis sa pamamagitan ng P3 per litro na RVAT.
Nakatulong sa ibayong pagsigla ng kampanya ang pagkakabuo ng People's Unity Against Oil Price Increase na naging lunduan sa pagsama at pakikiisa ng mga manggagawa, kabataan, kababaihan, empleyado ng gobyerno, migrante, mga guro, at iba pang sektor at grupo sa kilos protesta-welga ng mga driver.
Nabuo ang All Transport Forum Against Oil Price Increase na binubuo ng PISTON at mga independienteng samahan at mga kasapi ng ibang transport groups na nagkaisang maglunsad ng mga kilos protesta at welgang transportasyon.
Mahalagang karagdagan dito ang mga samahan sa Marikina, San Juan, Eastern Rizal, Alabang, at ang Makati Transport Group na binubuo ng mga jeepney at tricycle associations.
Naidaos ang isang mapayapang kilos protesta at welga sa harap ng mga pagtatangka ng pamahalaan na ilihis ang isyu, at pananakot hinggil sa posibleng pagbawi sa prankisa ng mga lalahok na operator.
Lumahok sa Pambansang Koordinadong Kilos Protesta at Welgang Transportasyon ang mga sumusunod na ruta.
Ang partisipasyon na masasalamin sa pagkawala ng mga jeepney at iba pang tipo ng sasakyang pampubliko ay: 90% sa Tanay, Morong, Angono, Binangonan, Cardona, Taytay, at Cainta sa Rizal; 90% Pasig Tramo; 50% sa Pasig Palengke; 90% sa Commonwealth at UP; 90% sa Novaliches; 100% Kamias; 80% sa Cubao; 80% sa Pier South; 70% sa Baclaran; 95% sa Alabang; 90% sa Zapote; 100% sa Tramo Pasay. Sa mga probinsya, 95% sa Davao at Cagayan de Oro City; 90% sa Gen. Santos City, 98-99% sa Iloilo, Roxas at Aklan; 90% sa Negros Occidental; 85%-98% sa Bicol Provinces; 90% sa Sta. Cruz, San Pedro at Calamba, Laguna; .80% sa 3rd District ng Batangas (Tanauan, Sto. Tomas, Lipa);
”Simula pa lang ito ng laban. Nabuksan na ang usapin ng pagbabasura sa Batas Deregulasyon sa Langis sa Kongreso, laluna't may mga panukalang batas na inihain na sa Mababang Kapulungan at Senado,” dagdag pa ng KMU.
No comments:
Post a Comment