DIPOLOG CITY, Philippines (Mindanao Examiner / Dec. 16, 2007) – Sabik na sabik na umano ang marami sa Zamboanga del Norte sa muling pagbabalik ni convicted child rapist at dating congressman Romeo Jalosjos matapos itong mapalaya mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Maynila.
Kahapon ng madaling-araw ay nagsimba pa si Jalosjos, kasama ang pamilya, sa kapilya ng NBP matapos na palayain dakong hating-gabi.
Binigyan ng pardon ni Pangulong Gloria Arroyo si Jalosjos, halos 13 taon matapos itong masentensyahan ng habang-buhay na pagkabilanggo sa paghahalay sa isang 11-anyos na diumano’y prostitute nuong 1996.
Ang pagpapalaya ni Arroyo kay Jalosjos ay umani ng malaking batikos mula sa ibat-ibang grupo ng mga kababaihan at kritiko ng dating pulitiko.
Inamin ni Jalosjos na malaki ang utang na loob nito kay Arroyo sa pagpapatawad sa kanya.
Nagdiwang naman ang mga supporters ni Jalosjos sa Zamboanga del Norte, partikular sa Dapitan City, na kung saan ay hinihintay ng marami ang pagbabalik nito sa lalawigan.
Hindi naman mabatid kung kailangan ang dating ni Jalosjos sa Dapitan City, ngunit nagkalat na ang mga banners at streamers ng suporta sa kanya sa ibat-ibang lugar doon.
Si Jalosjos ay nadakip mismo ni dating presidential security chief Hermogenes Esperon na ngayon ay hepe ng Armed Forces matapos ng matagal na pagtatago sa batas.
Kapuna-puna naman ang bilugang katawan ni Jalosjos ng ito’y lumaya at bakas sa kanyang kalusugan ang magandang trato sa piitan. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment