Friday, February 01, 2008

Bihag Ng Sayyaf, Walang Balita


Todo bantay ang mga miyembro ng Philippine Marines sa bayan ng Jolo sa Sulu province sa larawang ito na kuha ngayon Biyernes, ika-1 ng Pebrero 2008. Bihag ng Abu Sayyaf ang isangn negosyante sa Sulu. (Kuha ng Mindanao Examiner/Nickee Butlangan)



SULU, Philippines (Mindanao Examiner / Feb. 01, 2008) – Patuloy ang paghahanap ng mga sundalo at parak sa mga Abu Sayyaf na may hawak sa isang negosyanteng babae na kanilang dinukot sa bayan ng Jolo.

Wala naman balita ukol sa biktimang si Rosalie Lao, na may maliit na tindahan ng mga barter goods sa naturang bayan. Takot na rin ang umiiral sa maraming mga negosyante dahil sa pagdukot kay Lao na kilalang mabait sa kanilang bayan.

May dugong Muslim o Tausug si Lao subalit sa kabila nito ay dinukot pa rin siya ng Abu Sayyaf. May negosasyon na umano ang pamilya nito sa mga kidnappers, ngunit sa kabila nito ay walang tigil ang paghahanap ng mga awtoridad kay Lao.

Unang araw pa lang ng madukot si Lao ay agad na pinulong ni Gov. Sakur Tan ang mga opisyal ng lalawigan na bumubuo ng Crisis Management Committee upang maresolba ang panibagong krisis na nagbabanta sa magandang takbo ng local na ekonomilya at turismo sa Sulu.
Bukod kay Lao ay hawak rin ng Abu sayyaf si Omar Taup, isang teacher na dinukot nuong Enero 15 sa South Ubian, isang bayan sa Tawi-Tawi matapos na patayin ng grupo ang Katolikong pari na si Jesus Reynadlo Roda matapos sa bigong pagdukot sa kanya.

Maging ang mga residente ngayon ay takot ang umiiral dahil sa muling paghahasik ng lagim ng Abu Sayyaf sa Sulu. Naganap ang pagbaba ng Abu Sayyaf mula sa kabundukan ilang araw lamang ang lumipas ng ilipat nuong Enero 18 sa Lanao provinces ang buong puwersa ng Army's 103rd Infantry Brigade.
Marines na ang nagbabantay sa Sulu, subalit kulang ang puwersa nito sa buong lalawigan. (May ulat ni Nickee Butlangan)

No comments: