Sunday, March 02, 2008

Sundalong Sabit Sa Sulu "Masscare", Kakasuhan Na!

ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 02, 2008) – Sasampahan na ng kasong kriminal ang mga sundalong inakusahang pumatay sa 8 katao sa lalawigan ng Sulu sa kabila ng pagtatakip ng militar sa mga akusado.

Sinabi mismo ni Jainab Abdulmajid, executive director ng Sulu Area Coordinating Center (ACC), na nakahanda na ang lahat ng mga affidavits ng mga naulila upang makasuhan ang mga sundalong miyembro ng Army’s Light Reaction Company at Navy’s Special Warfare Group at kanilang mga commanders na sabit sa pagpatay.

“Magsasampa na ngayon Lunes ng kaso upang mabigyan ng hustisya ang pagapatay sa mga inosenteng sibilyan,” ani Abdulmajid sa panayam ng Mindanao Examiner.

Katulad ng inaasahan, inabswelto ng militar ang mga sundalong sabit sa binansagang "Sulu Massacre" na kung saan ay pitong sibilyan at isang off-duty army soldier ang napatay sa diumano'y sagupaan sa Abu Sayyaf.

Sa imbestigasyon na isinagawa ng Judge Advocate General's Office at Inspector General ng Western Mindanao Command ay pinawalang sala nito ang mga sundalong miyembro ng Army Light Reaction Company at Navy Special Warfare Group na siyang nasa likod ng atake sa Barangay Ipil sa bayan ng Mainbung nuong Pebrero 4.

Iginiit ng militar na lehitimong operasyon laban sa Abu Sayyaf ang naganap. Ngunit kabilang sa mga nasawi ay dalawang bata, dalawang teenager, isang buntis, isang seaweed farmer at isang konsehal ng naturang barangay.

"It was a legitimate encounter with the Abu Sayyaf and that is according to the report and findings of the JAGO," ani Army Major Eugene Batara, spokesman ng Western Mindanao Command.

Sinabi nitong si Colonel Fred Lleosa ang namuno sa JAGO team na nagsagawa ng imbestigasyon.

Ngunit pinanindigan naman ng Commission on Human Rights ang resulta ng sarili nitong imbestigasyon at sinabing walang Abu Sayyaf sa nasabing barangay at pawing mga inosenteng sibilyan ang pinatay ng mga sundalo.

"None of them was an Abu Sayyaf member. Seven civilians and a government soldiers were killed in that attack," wika ni CHR Regional Director Jose Manuel Mamauag.

Bago pa man magsimula ang imbestigasyon o isang araw matapos na mapatay ang 8 ay sinabi na ng Western Mindanao Command na kung hindi mga Abu Sayyaf ang napatay ay mga coddlers naman ito ng teroristang grupo na may kinalaman sa Jemaah Islamiya.

Mariing binatikos naman kahapon ng Moro Islamic Liberation Front ang resulta ng imbestigasyon ng militar at sinabing pinagtakpan nito ang mga sundalo."The findings are sanitized aimed at lessening the burden of responsibility to members of the elite troops under the Light Reaction Company and the navy's Special Warfare Group. Acting as judge for itself will lead to nowhere and no justice is expected forthcoming," ani pa ng MILF.

Pinuri rin nito ang ulat ng CHR at patas umano ang pahayag ni Mamauag ukol sa massacre. "Conscience-guided men, like Mamauag, deserved to be commended by everyone, despite differences of loyalties and orientations," wika ni Muhammad Ameen, chairman of the MILF Secretariat.

Idinetalye ng CHR kung paanong inatake ng mga sundalo ang Barangay Ipil at ang pagnanakaw na ginawa ng mga ito sa mga kabahayan doon. Tatlong bahay rin ang sinunog ng mga sundalo at maging mga kambing at manok ay inilagay sa sako at tinangay.

Nangako naman si Sulu Gov. Sakur Tan na tutulungan nito ang mga naulila upang makakuha ng hustisya. Unang bumuo si Tan ng fact-finding board na sisiyasat sa “massacre.”

Isang malaking indignation rally naman ang isasagawa ng mga Muslim sa bawat bayan sa Sulu bilang protesta sa pagtatakip ng militar sa mga sundalo.

Kung mamamatunayang nagkasala ang mga sundalo ay tiyak na matatanggal ang mga ito sa serbisyo at mabubulok sa bilangguan. (Mindanao Examiner)

No comments: