Si Dingdong Dantes habang nakikipagkamay kay Sulu Gov. Sakur Tan sa kapitolyo ng lalawigan. At mga nagtitiliang fans ng aktor sa labas ng tanggapan ng gobernador. (Mindanao Examiner Photo)
SULU (Mindanao Examiner / Apri. 01, 2008) - Nagkagulo sa kapitolyo ng Sulu matapos na dumating doon si Dingdong Dantes kasama ang mga sundalong Marines upang magsagawa ng medical missions sa dalawang bayan doon.
Si Dantes ang gumanap bilang Sergio SantibaƱes katuwang si Marian Rivera bilang Marimar sa super tele-nobela ng GMA-7 na "Marimar." Hindi agad nakilala ng mga taga-Sulu si Dantes dahil naka-uniporme ito ng Marines at may ranggo pang master sergeant. Nabatid na isa palang reservist sa Philippine Marines ang makisig na aktor.
Kasama ni Dantes na nagtungo kamakalawa sa kapitolyo si Marines chief Gen. Mohd Ben Dolorfino at iba pang mga opisyal at miyembro ng ilang non-government organizations upang magbigay galang sa gobernador na lalawigan na si Sakur Tan at sa bise nitong si Nur-Ana Sahidulla.
Natuwa naman si Bise Gob. Sahidulla ng dumalaw rin si Dantes sa kanyang tanggapan at doon nagpakuha ng mga litrato.
Maiinit ang naging pagtanggap ng mga taga-Sulu sa grupo nina Dantes at sinigurado naman ng aktor kay Gob. Tan ang suporta nito sa pagtulong sa mga mahihirap sa lalawigan.
"Ang pogi ni Dingdong at ang macho parang si Gobernor Sakur (Tan) at mestiso talaga. Sana kasama rin niya si Marimar," sambit naman ng fan na si Sabina Hamsain.
Hindi naman magkaugaga si Dantes sa mga tilian at yakap at halik na natanggap sa kapitolyo mula sa maraming fans at empleyado na sumugod doon. Pulos pasasalamat naman ang naging tugon ni Dantes. Nakipag-usap rin sa Dantes kay Gob. Tan ukol sa mga programa nito para sa mahihirap sa Sulu.
"Nagpapasalamat kami kay Dingdong at kina General Dolorfino dahil sa kanilang pagtugon at pagtulong sa atin sa pamamagitan ng medical missions at sana ay muling maulit ito upang marami pa tayong mabigyan ng tulong," wika naman ni Gob. Tan.
Nagtungo si Dantes sa bayan ng Patikul at Maimbung na kung saan ay may joint medical missions ang Marines at ang pamahalaang-panlalawigan. Kahit pa may ulan ang tagumpay na naidaos ang medical missions.
"Kasama naman namin si Dingdong dahil gusto talaga niyang magtungo sa Sulu upang tumutulong sa mga mahihirap at natutuwa kami sa kasigapagan, kabaitan at pagiging disiplinado ni Sergio," ani pa ni Gen. Dolorfino.
Dahil sa pinagkakaguluhan ito ay hindi na nakapagbigay ng pahayag si Dantes, ngunit nakiusap naman ito sa Sulu Gazette na makahingi at ipadala sa kanya ang mga larawan kuha mula sa kapitolyo. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment