ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / May 30, 2008) - Muling isinabit ng pulisya ang rebeldeng Moro Islamic Liberation Front sa naganap na pagsabog sa Zamboanga City na kung saan ay tatlong katao ang nasawi at halos dalawang dosena ang sugatan.
Mabilis na pinagbintangan ni Chief Supt. Jaime Caringal, hepe ng pulisya sa Western Mindanao, ang MILF sa pambobomba kamakalawa sa labas ng Philippine Air Base na kung saan ay nawasak ang harapan ng isang building.
Sabit umano ang Special Operations Group ng MILF sa atake, bagamat patuloy pa ang imbestigasyon sa pagsabog. Mariing kinondena naman ng MILF ang akusasyon at hinamon pa ng rebeldeng grupo si Caringal na magbigay ng ebidensya.
Kaliwa’t-kanan pambabatikos ang inabot ni Caringal sa mga lider ng MILF. Nuong nakaraang buwan lamang ay mabilis rin ng pinagbintangan ni Caringal ang MILF sa dalawang pambobomba sa Zamboanga City, bagamat Abu Sayyaf naman ang itinuturo ng lokal na pulisya sa atake.
Walang umako sa pinakabagong pagsabog, subali’t naganap naman ito kasabay ng labanan sa pagitan ng MILF at militar sa Basilan mula pa nuong nakaraang linggo.
Kinondena ng MILF ang pagsabog sa Zamboanga City at sinabing kagagawan ito ng kampon ng kadiliman. Malungkot naman si Zamboanga City Mayor Celso Lobregat sa trahedyang sinapit at umapela naman ito sa media na huwag ng palakihin ang insidente.
Madalas sisihin ni Lobregat ang media sa mga negatibong balita ukol sa Zamboanga, na binansagang Asia’s Latin City dahil sa lenguaheng Chabacano na may halong Espanyol. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment