Wednesday, July 16, 2008

Zamboanga City, Mistulang Garrison Na!

ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / July 16, 2008) – Nagmistula ng garrison ang Zamboanga City sa dami ng mga armadong sundalo na makikita sa downtown area sanhi ng sunod-sunod na krimen at banta ng terorismo.

Ngunit sa kabila nito ay pilit pa rin pinalalabas ng mga awtoridad na tahimik ang Zamboanga City, ngunit panay naman ang kahol ng City Hall sa media ukol sa mga lumalabas na negatibong balita.

Kaliwa’t-kanan ang patayan sa Zamboanga at nuong nakaraang linggo lamang ay isang nurse na si Preciosa Feliciano ang dinukot dito. Kalat ang mga tropa ng army, marines at air force, bukod pa rito ang puwersa ng pulisya, sa downtown area at mistulang martial law ang dating ng mga ito.

Nakapagbibigay rin ito ng masamang impresyon sa mga bisitang naliligaw sa Zamboanga dahil sa dami ng mga armadong sundalo. Taliwas ito sa pilit na ipinapakita ng pamahalaang lokal na maayos ang sitwasyon dito.

Kamakailan lamang ay binomba ang isang building sa harapan lamang ng Edwin Andrews Air Base na ikinamatay ng tatlong katao. Ilang mga bomba na rin ang natagpuan sa ibat-ibang lugar sa Zamboanga City. Ibinintang naman agad ng militar at pulisya at ng City Hall sa Moro Islamic Liberation Front at Abu Sayyaf ang lahat ng mga pambobomba at kidnapping dito. (Mindanao Examiner)

No comments: