ZAMBOANGA CITY (Al Jacinto / July 15, 2008) – Inamin na rin ng pulisya na kidnapping ang kaso ng isang pribadong nurse na napaulat na nawawala matapos itong yayain ng mga kaibigan sa isang reunion sa Zamboanga City.
Sinabi ng pulisya na nagsampa na ito ng kaso laban sa tatlong katao na umano’y may kinalaman sa pagkawala ni Precious Feliciano nuong nakaraang linggo. Iba-ibang ulat ang natatanggap ng pulisya ukol sa kinaroroonan ng biktima, ayon kay Senior Supt. Lurimer Detran, hepe ng lokal na pulisya.
May kumakalat na balita rin na P10 milyon ang ransom na hinihingi diumano ng mga kidnappers kapalit ni Feliciano, ngunit hindi naman mayaman ang pamilya nito.
Unang napabalitang tinangay ito ng dating manliligaw, ngunit may mga nagsasabing hawak na rin ito ng mga rebelde sa Basilan province. May nagsasabing nasa mga isla lamang si Feliciano di-kalayuan sa Zamboanga City.
Hindi rin nagbibigay ng pahayag ang pamilyang Feliciano ukol sa biktima, ngunit kinumpirma ng pulisya na sabit sa kidnapping ang dalawang lalaki at isang babae na siyang nagyaya kay Feliciano sa reunion bago ito nawala.
Naiulat na rin nuong nakaraang linggo ng media na posibleng dinukot si Feliciano dahil natagpuan sa Barangay Manicahan ang isang sasakyan na umano’y gamit ng mga kidnappers. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment