Tuesday, September 09, 2008

CHR Pumasok Na Sa Datu Piang Air Strike!

MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / September 9, 2008) – Sinimulan na kahapon ng Commission on Human Rights ang isang masusing imbestigasyon sa pagkamatay ng 7 katao dahil sa air strikes na inilunsad ng militar sa Mindanao.

“Narito na ngayon yun mga taga-CHR at nagiimbestiga tungkol doon sa namatay na mga sibilyan,” ani Mosib Tan, ang municipal administrator ng Datu Piang, isang bayan sa Maguindanao.

Napatay diumano ang mga sibilyan matapos na mahagip ng air strike ang kanilang banca ng mga eroplano ng Philippine Air force, ayon sa ulat ng mga residente kay Tan.

Kinilala ni Tan ang mga nasawi na si Daya Manunggal Mandi at ang kanyang mga anak na sina Aida, 17; Faiza, 1; Bai Lyn, 10; King, 8; at Dayang, 6. At ang kanilang ina na si Vilma Mandi. Sugatan rin ang isa pang anak na si Jamaludil Mandi, 17, at nasa pagamutan ngayon sa Cotabato City.

Sinabi ni Tan na nagpatawag na rin ng immbestigasyon si Datu Piang Mayor Samir Uy. “Magpa-file rin ng kaso ang mga pamilya at naulila ng mga nasawi,” ani pa ni Tan.

Nagkapili-pilipit naman ang mga statement ng militar sa Maynila at Mindanao ukol sa naganap. May nagsasabi na pawang mga rebelde ang napatay at mayroon rin nagpahayag na ang mga sibilyan ay naipit sa cross-fire sa pagitan ng militar at rebelde. Mayroon naman na humingi ng paumanhi dahil sa pagkakapatay sa mga sibilyan.

Umani naman ng mga batikos mula sa mga ibat-ibang human rights groups sa Mindanao ang pagkakapatay sa mga sibilyan.

“Many civilians have already been killed and hundreds of thousands more have been forcibly displaced by the military operations. Every time the government declares war, the civilians are the first to be killed and be displaced rather than be the first to be put to safety,” ani Maria Esmeralda Macaspac, executive director ng Children’s Rehabilitation Center, isang non-government organization na tumutulong sa mga batang naiipit sa kaguluhan.

Maging ang Suara Bangsamoro at Kawagib human rights groups ay kinindena rin ang naganap.

“We condemn the inhumane actsand indiscriminate aerial bombing by the Armed Forces that killed the innocent civilians. The military should be held accountable for violating human rights and disrespecting the holy month of Ramadan,” wika ni Bai Ali Indayla, ang tagapagsalita ng Kawagib.

“There is no justification for the military to attack innocent civilians. The Philippine military must be held responsible for the killings of the civilians,” sabi naman ni Amirah Lidasan, ng Suara Bangsamoro.

Tinutugis pa rin ng militar sina MILF commanders Ameril Kato at Abdurahman Macapaar na sabit sa mga serye ng atake sa Mindanao na ikinamatay ng maraming sibilyan. (Mindanao Examiner)


No comments: