MAYNILA (Bombo Radyo) - Pinayuhan ni Commission on Election (Comelec) Chairman Jose Melo ang mga nagsusulong ng recall election na maglabas ng sarili nilang pera kung nais nilang matuloy ito.
Ayon kay Melo, walang mangyayari sa mga petisyon para sa recall election kung hindi maglalabas ng sariling pondo ang mga nagsusulong nito dahil wala naman aniyang sapat na pondo ang Comelec para dito.
Ipinaliwanag ni Melo na limang milyong piso lamang ang pondo ng Comelec para sa recall election at hindi aniya ito makasasapat para pagbigyang lahat ang mga petisyon.
Maaari rin naman aniyang humingi ng tulong sa MalacaƱang ang mga nagsusulong ng recall para mabigyan ng dagdag na pondo ang Comelec.
Nakatakda nang talakayin bukas ng Comelec en banc ang recall petition laban kay Sulu Governor Abdusakur Tan, habang patuloy pa namang nangangalap ng mga lagda ang nagsusulong ng recall petition laban kay Pampanga Governor Ed Panlilio.
No comments:
Post a Comment