Sunday, October 05, 2008

2 Aid Workers Bihag Pa Rin Ng Mga Bandido Sa Basilan

BASILAN (Mindanao Examiner / Oct. 5, 2008) – Wala pa rin balita sa dalawang aid workers na hawak ng mga bandido sa lalawigan ng Basilan, ngunit malakas ang ugong na marami ang sumasawsaw sa negosasyon upang makakuha ng malaking parte sa ransom.

Bihag mula noong nakaraang buwan ng Abu Sayyaf sina Esperancita Hupida at Millet Mendoza. Si Hupida ang program director ng Nagdilaab Foundation, samantalang si Mendoza naman ay isang social worker.

Maging ang dating alkalde ng Basilan na Hajarun Jamiri, na sabit diumano sa pambobomba noon ng Batasang Pambansa na ikinamatay ni Rep. Wahab Akbar, ay inulat na kasama sa negosasyon.

Isinabit rin noon ng mga awtoridad si Jamiri sa kidnapping ni Italian missionary Giancarlo Bossi, ngunit itinanggi ito ng dating pulitiko.

Umapela na rin noon si Father Angel Calvo, isang Catholic missionary at pinuno ng Peace Advocate Zamboanga, sa mga kidnappers na palayain ang mga inosenteng biktima.

Ayon kay Calvo ay pawang mga community development workers ang mga biktima at matagal ng tumutulong sa mga Muslim areas sa Basilan.

Nuong Agosto lamang ay ginawaran ang Nagdilaab Foundation ng Ateneo Peace Award sa Zamboanga City dahil sa magagandang mga proyekto nito para sa mga mamamayan sa pagsusulong ng kapayapaan sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi. (Mindanao Examiner)

No comments: