Wednesday, November 05, 2008

104 Solons, 49 Gov, 25 Mayors Pumarte Sa Fertilizer Fund

MAYNILA - Umaabot sa 104 na mam­babatas, 49 na go­berna­dor at 25 alkalde ang nakinabang sa kontrobersyal na P728 milyong fertilizer fund na pinaniniwalaang nabahiran ng anomal­ya at ngayo’y kinaiipitan ni da­ting Agriculture Undersec. Jocelyn ‘JocJoc’ Bolante.

Ito ang nilalaman ng dokumentong napasakamay ng Abante kung saan malinaw na nakatala ang pa­­­ngalan ng mga senador, kongresista at mga local exe­­cutives na nag-request ng pondo at ang mga aktu­wal na nabigyan ng pondo.

Sa hanay ng mga mam­babatas, isa ang senador sa katauhan ni Sen. Juan Miguel Zubiri sa nabaha­ginan ng P5 mil­yon mula sa fertilizer fund ng Department of Agriculture (DA). Nakaupo siyang kongresista noon bilang kinatawan ng Bukidnon.

Samantalang si Sen. Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na noo’y kinatawan ng Tarlac sa Kamara at naunang nagsumite ng fund request ay nabura sa pinal na lista­han ng DA na naaprubahang mabigyan ng abono fund.

Maliban kay Zubiri, tumanggap din ng P5 milyon at P3 milyon, ayon sa pagkakasunod, ang dalawang House Speakers na sina Reps. Jose De Venecia Jr. at Prospero Nograles, anang dokumentong isinumite ng Commission on Audit (COA) sa Senado at nakapaloob din sa committee report ni ex-Sen. Ramon Magsaysay Jr., ang chairman ng Senate committee on agriculture ng nakaraang Kongreso.

Ilan din sa mga kongresistang tumanggap ng abono fund ay nakapuwesto na ngayon sa gabinete ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo tulad nina Education Sec. Jesli Lapus (P3 milyon), Immigration Commissio­ner Marcelino Libanan (P5 milyon), Tourism Sec. Joseph Durano (P5 milyon) at Local Water Utilities Administration (LWUA) chief Prospero Pichay Jr. (P5 milyon).

Tumanggap din ng tig-P3 milyon mula sa ferti­lizer fund ng DA ang asawa ni resigned presidential legal counsel Sergio Apostol na si Leyte Rep. Trinidad Apostol, anak ni Exe­cutive Sec. Eduardo Ermita na si Batangas Rep. Ele­nita Ermita-Buhain at ama ni Finance Sec. Margarito Teves na si dating Negros Rep. Herminio Teves.

Ang magkapatid na Rep. Ace Barbers at da­ting Surigao Gov. Lyndon Barbers ay tumanggap ng kabuuang P10 milyon (tig-P5 milyon) samantalang P3 milyon naman ang nakuha ni Iloilo Rep. Arthur Defensor, pinsan ni Sen. Miriam Defensor Santiago at tiyuhin ni dating presidential chief of staff Mike Defensor. Nabura naman sa ‘actual recipients list’ si ex-Congw. Maite Defensor.

Kapuna-puna rin ang pagtanggap ng abono fund ng mga kaalyadong mambabatas ng administrasyon sa mga lungsod at munisipalidad ng Metro Manila kahit malinaw na walang lupang saka­han sa kanilang nasasa­kupan. Sina Quezon City Rep. Nanette Castelo-Daza at Malabon/Navotas ex-Rep. Ricky Sandoval ay tumanggap ng tig-P3 mil­yon samantalang P5 mil­yon naman ang na-release kay Parañaque City Rep. Eduardo Zialcita.

Sa buong listahan ay si Bacolod Rep. Monico Puentebella, kilalang malapit sa First Couple, ang tumanggap ng pinakama­laking fertilizer fund sa halagang P8 milyon.

Kaugnay nito, tila nakikipagpustahan naman si Makati Rep. Teddy Boy Locsin na walang sinuman sa mga nadadawit na kongresista at local official ang aamin na tumanggap sila ng fertilizer fund. Nakikini-kinita na ng solon na bawat isa ay magsasabing hindi nila natanggap o kinuha ang naturang pondo at tulad umano ng iba pang eskandalo sa pera ng taumbayan, posibleng sa huli ay mauwi rin sa wala ang imbestigasyon, pangamba ni Locsin. (Bernard Taguinod / Abante)

No comments: