ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 12, 2008) – Dedma ang mga Zamboanguenos sa balak ni Makati City Mayor Jejomar Binay na tumakbo sa Presidential elections sa 2010.
Ito’y matapos na lumabas ang balitang malaki ang suporta ni Binay sa Zamboanga City na kung saan ay inilunsad dito kamakailan ang grupong “Binay na!” na siyang magdadala sa pangangampanya nito sa bansa. Nagkaroon umano ng launching ng Binay Na! sa Zamboanga kamakalawa at hindi pa umabot sa 40 ang mga nasa likod nito, ayon sa ulat ng ABS-CBN.
Kamakalawa ay inanunsyo ni Binay sa Makati ang kanyang kandidatura sa pagka-Pangulo at inihalintulad pa nito ang sarili kay US President-elect Barack Obama.
“Hindi naman kilala dito sa Zamboanga City si Binay, eh sa Mindanao pa? Tignan natin kung sinong mga iba ang sasabak sa 2010 Presidential elections, malayo pa kasi iyan eh at dapat unahin muna nila ang trabaho bago ang ambisyon. Pati si Barack Obama ay ginamit na sa propaganda niya,” ani naman ng pribadong si Antonio Saavedra.
Si Binay ay ang presidente ng United Opposition na kanyang binuo nuong 2005, ngunit marami rin sa ibang mga oposisyon ang dedma sa anunsyo nitong pagsabak sa Presidential polls.
May basbas diumano ni dating Pangulong Joseph Estrada ang kandidatura ni Binay, ngunit sa tagal pa ng elekson ay posibleng may suportahang itong iba.
Bukod kay Binay ay malakas ang ugong na tatakbo rin sa pagka-Pangulo si Vice President Noli de Castro, Senate President Manuel Villar, Senator Loren Legarda, Senator Francis Pangilinan, Senator Panfilo Lacson, Senator Mar Roxas, Defense Secretary Gilberto Teodoro at Metropolitan Manila Development Authority Secretary Bayani Fernando.
Ilang ulit naman sinabi ni Estrada na sasabak itong muli sa pagka-Pangulo kung hindi magkakasundo ang mga oposisyon sa kanilang common candidate. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment