Habang abala ang lahat sa hearing ng Kongreso at Senado sa fertilizer fund scam at kay dating Agriculture official na si Jocelyn Bolante ay sinamantala naman ng iba ang gapangan sa lower house upang ihain ang resolusyon na magpapalawig sa termino ni Pangulong Gloria Arroyo at sa pag-amyenda sa Saligang Batas.
Mabuti na lamang at agad na nabatid na nakapaghain na agad ng kanyang resolusyon si Batangas Representative Hermilando Mandanas at bukod pa ito sa kampanyang isinagawa ni House Speaker Prospero Nograles at ni Rep. Mikey Arroyo sa pagsusulong ng pagbabago sa Saligang Batas upang maisakatuparan ang mahahalagang pag-amyenda sa mga batas na may kinalaman diumano sa ekonomiya at iba pa!
Ilang beses na itong tinangka ng administrasyong Arroyo, ngunit bigo! At ngayon, kung kalian malapit na bumaba si Arroyo sa kanyang puwesto ay mas tahasan naman ang pagsusulong nito. Noon panahon ni Pangulong Fidel Ramos ay tinangka rin ito at nabigo rin at katunayan ay nag-rally pa sina Joseph Estrada, Corazon Aquino at Gloria Arroyo upang pigilin ang anumang pagbabago sa Saligang Batas, ngunit ito rin ang ipinatutupad ng kasalukuyang rehimen.
Inginunguso naman ng Malakanyang ang Senado, partikular si Sen. Aquilino Pimentel, sa proposal nitong baguhin ang Saligang Batas at gawin Federal ang uri ng kasalukuyang pamahalaan – ngunit ang mga kaalyado naman ni Arroyo ang nagkukumahog sa paghahain ng mga resolusyon!
Kapag nabago ang uri ng pamahalaan ay tiyak na isusulong ng mayorya sa Kongreso – na pawang mga kaalyado naman ng Pangulo – na mahalal si Arroyo bilang Prime Minister o Punong Ministro.
Dapat magkaroon na ng pagbabago ang bansa, kailangan na ng mga tapat na lider na siyang magpapatakbo nitong gobyerno. At kung may dapat parusahan sa mga nagkasala sa taong bayan ay kailangan pagbayaran nila ito. Kailangan maging handa at matatag ang sambayanang Pilipino upang masigurong hindi na muling mananakaw ang demokrasya ng ating kaawa-awang bansa.
No comments:
Post a Comment