Sunday, November 23, 2008

Mga sundalong Kano, umani na naman ng batikos sa Sulu!

Ang Capitol ground sa bayan ng Patikul sa Sulu province. Patuloy na umaani ng maraming batikos ang mga sundalong Kano sa Sulu dahil sa kanilang pagiging arogante at bastos, ayon sa ilang mga nagreklamo. (Mindanao Examiner Photo)



SULU (Mindanao Examiner / Nov. 23, 2008) - Sa kabila ng maraming development projects ng US military sa lalawigan ng Sulu ay dumarami rin ang mga reklamo ng mamamayan sa mga dayuhan dahil sa pagiging arogante at bastos na asal nito.

Sinabi ni Hajji Gul-amo, isang prominenteng lider sa Sulu, na dumarami na umano ang mga batikos na tinatanggap ng mga Kano mula sa mga lokal na residente. Nagaasta umanong hari ang mga Kano sa lalawigan at ilang ulit ng sumabit sa mga eskandalo.

Maging ang Air Transportation Office sa Sulu ay nagreklamo na rin dahil sa hindi pakikipag-koordinasyon ng mga Kano sa kanilang tanggapan sa tuwing may dumarating ng mga eroplano o chopper ng US military sa air port.

Kadalasan ay makikitang nakaparada sa runway ang mga hummer at humvee ng mga sundalong Kano na mahigpit na ipinagbabawal.

At kung may binibili naman sa bayan ng Jolo ang mga Kano ay mistulang Afghanistan ang kapaligiran dahil sa asta ng mga sundalo na tila bang may aatake sa kanilang mga terorista at maging sibilyan ay pinalalayo sa kanila. “Grabe yan mga Kano at akala mo sa kanila itong Sulu, mga bastos at walang-hiya at walang modo, walang respeto sa aming mga Muslim sa sarili namain lugar,” ani Gulamo.

Ilang ulit na rin umano nakabangga ang mga sundalong Kano sa Sulu at sa ilang pagkakataon ay binalikan pa ng sundalo ang nabangga upang muling banggain. Ngunit sa kabila nito ay nagbubulag-bulagan naman ang lokal na liderato ng militar at kalimitan ay ipinagtatanggol pa ang mga Kano dahil sa laki ng ibinigay na suporta nito sa Armed Forces at Philippine Marines na siyang nasa Sulu.

Nuong nakaraang taon ay ipinasara naman ng mga bastos na sundalong Kano ang Panamao District Hospital ng ilang linggo at binaril pa ang ilawan nito at pinagbantaang babarilin ang mga personahe ng pagamutan.

Naunang nagbanta si Sulu Gov. Sakur Tan na paalisin ang mga Kano kung hindi nila igagalang ang karapatan ng mga Muslim. (Mindanao Examiner)

No comments: