Thursday, January 22, 2009

Defense Chief, Umaani Ng Suporta Sa Mindanao

Defense Chief Gilberto Teodoro Jr. (Mindanao Examiner Photo)

ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 17, 2009) – Lumalakas ang ugong sa hanay ng mga sundalo at kilalang mga pulitiko sa Mindanao na humihikayat at susuporta diumano kay Defense chief Gilberto Teodoro Jr upang sumabak sa pagka-Pangulo ng bansa sa susunod na halalan.

Kinumpirma rin ng ilang matataas na opisyal ng militar ang malaking suporta ng mga tropa sa Mindanao kay Teodoro dahil sa malinis na record nito sa Department of National Defense at sa mataas na respeto sa kanya ng publiko.

Ayaw naman magpabanggit ng pangalan ang mga opisyal ng militar na susuporta kay Teodoro kung tatakbo ito sa pagka-Pangulo at baka masabihan umanong namumulitika.

"Talagang mataas ang aming respeto kay SND at talagang susuportahan namin siya if ever na mag-desisyon itong tumakbo bilang Presidente ng ating bansa sa susunod na eleksyon. Maganda ang pagdadala niya sa Department of National Defense at malaki ang respeto sa kaniya ng buong hukbo ng Sandatahang Lakas," ani ng isang opisyal ng army sa Mindanao.

Ito rin ang pahayag ng mga sundalong nakapanayam ng Abante at kung sakaling sumabak umano si Teodoro sa eleksyon ay sasabihan rin umano nila ang kanilang mga pamilya at kamag-anakang suportahan ito.

"Mabait si Secretary Teodoro at talagang makamasa at mararamdamanam mo talagang concerned siya sa welfare ng mga sundalo," wika pa ng isang sarhento.

Maging ang mga pulitiko ay pulos papuri rin ang maririnig ukol kay Teodoro, na madalas Makita sa mga lugar sa Mindanao na may mga kalamidad o preblema sa peace and order.

Aktibo rin ito sa mga ibat-ibang proyekto at programa ng Department of National Defense at mga ibang mahahalagang bagay na ipinaguutos ni Pangulong Gloria Arroyo.

Naunang na rin sinabi noon ni Sulu Gov. Sakur Tan na si Teodoro ay isa sa talagang mabaiit at masipag na miyembro ng Gabinete ni Arroyo.

"Mabait talaga iyan si Secretary Teodoro at nakikita naman ng lahat sa Sulu kung paano niya pinahahalagahan ang ating lalawigan. Kung ako ang tatanungin at talagang magiging magaling na Pangulo si Secretary Gilberto Teodoro kung ito ay tatakbo sa susunod na elekyon," wika pa ni Tan sa isang maiksing panayam.

Madalas rin nagtungo sa Sulu si Teodoro upang tumulong sa peace and development efforts ng pamahalaan sa nasabing lalawigan.

Inamin rin ni Tan na malaki ang tagasunod ni Teodoro sa Sulu dahil sa pagiging maka-masa nito at katalinuhan. "Wala tayong ibang masasabi kay Secretary Teodoro dahil nasa kanya ng lahat ang magagandang katangian ng isang tunay na lider," dagdag pa ni Tan.

Sa Basilan ay malaki rin kay Teodoro, ayon kay Vice Gov. Al-Rashid Sakalahul.

"Talagang mabaiit iyan si Secretary Gilbert at malaki rin ang naitulong niya sa Basilan at kung tatakbo siyang Presidente ay tiyak na mananalo iyan," wika pa ni Sakalahul, na dating sundalo bago naging Vice Governor ng Basilan. Target ni Sakalahul ngayon ang maging congressman sa nasabing lalawigan.

Kamakalawa lamang ay bumisita si Teodoro sa Misamis Oriental, Sulu at Zamboanga City upang personal na alamin ang sinapit ng mga sibilyan na apektado ng baha at iba pang mga kalamidad.

"Talagang cowboy si Secretary Teodoro," sambit naman ni Chief Supt. Angelo Sunglao, ang Western Mindanao Police chief, matapos na makipagkita kay Teodoro nuong Biyernes sa Zamboanga City.

Ito rin ang narinig kay Marine Lt. Gen. Nelson Allaga, hepe ng Western Mindanao Command sa Zamboanga City.

Nagtapos ng Bachelor of Science (Commerce - Management of Financial Institutions) si Teodoro sa De la Salle University sa Maynila nuong 1984 at Bachelor of Laws sa University of the Philippines nuong 1989 at kumuha ito ng Master of Laws sa tanyag ng Harvard Law School at nagtapos sa taong 1997.

Bar top notcher rin si Teodoro nuong 1989 at pumasa rin sa New York State Bar exams nuong 1997.

Ilang beses rin nahalal si Teodro bilang Congressman sa Unang distrito sa Tarlac. Si Teodoro ay nagiisang anak nina Gilberto C. Teodoro, Sr, ang dating Social Security System administrator at Mercedes Cojuangco, dating miyembro ng Batasang Pambansa. Bata pa lamang si Teodoro ay napasabak na ito sa pulitika ng mahalal bilang president ng Kabataang Barangay at nanungkulan mula 1980 hanggang 1985, at KB Federation of Central Luzon. Nahalal rin ito sa Sangguniang Panlalawigan.

Si Teodoro ay may ranggong colonel sa Reserve Force ng Philippine Air Force at adopted son ng Philippine Military Academy "Magilas" Class of 1976 at honorary member ng Philippine Air Force Class of 1980 at Association of Chiefs of Police, Inc. Siya rin ang chairman ng board of trustees ng Philippine National Police Foundation.

Makulay ang nakaraan ni Teodoro na minsan ay nanilbihang bilang lecturer sa National Defense College at regular assistant professor naman sa General Command and Staff Course ng Armed Forces of the Philippines.

Ang hindi alam ng karamihan ay isang lisensyadong piloto rin si Teodoro na kumuha ng kanyang Command and Staff Course class sa Philippine Air Force sa ilalim ng Air Education and Training Command of the Air Command and Staff College ng ito ay nasa Kongreso pa. (Mindanao Examiner)

No comments: