SULU (Mindanao Examiner / Mar. 30, 2009) – Sinisisi ng mga sundalo si Interior Secy. Ronaldo Puno sa lumalalang problema ng Sulu hostage crisis matapos na muling magbanta ang Abu Sayyaf na tutuluyan ang isang bihag nito.
Hawak pa rin ng Abu Sayyaf sina Swiss national Andreas Notter, Italian Eugenio Vagni at Pinay na si Mary Jean Lacaba matapos silang dukutin nuong Enero 15 sa bayan ng Patikul ng bisitahin ang isang humanitarian project sa bilangguan doon.
Si Puno ang nag-utos sa militar at pulisya na umatras mula sa cordon na inilatag ng mga sundalo sa kabundukan ng Indanan na kung saan ay bihag ng mga terorista ang tatlo at ito ay kapalit sana ng pangako ng Abu Sayyaf na palalayain ang isang bihag.
Ngunit hindi ito tinupad Abu Sayyaf at sa halip ay muling humiling na dapat lumikas na ang lahat ng militar at pulisya sa Sulu at kung hindi ay pupugutan ng ulo ngayon alas 2 ng hapon ang isang bihag.
Maging ang pamunuan ng Armed Forces ay tikom ang bibig sa lamalaking demoralisasyon sa hanay ng mga sundalong nasa Sulu. Nais na kasing pasukin at i-rescue ng mga tropa ang bihag at mapatay ang mga lider ng Abu Sayyaf doon.
Dapat umano ay hindi na nakialam si Puno at pinabayaan na lamang sa Marines at kay Sulu Gov. Sakur Tan ang pagresolba sa problema. Maging si Sen. Richard Gordon, na pinuno ng Red Cross sa bansa at ang International Committee of the Red Cross at sinisisi na rin ng ilang mga sundalo dahil sa patuloy nilang pakikagusap sa Abu Sayyaf at ni hindi naman ipinaalam sa Task Force ICRC at sa AFP ang mga napapag-usapan.
Sa pag-atras ng militar at pulisya at mga armadong sibilyan na nakapalibot sa kuta ng Abu Sayyaf ay biglang dumami ang mga ito at may mga bagong armas na rin, ayon sa isang intelligence report.
Hindi naman mabatid kung sino ang nagbigay ng mga armas, ngunit ayon s a naturang ulat ay posibleng makatakas ang Abu Sayyaf sa bayan ng Indanan at magtago sa kagubatan ng Sulu na kung saan ay hindi ito kabisado ng marines.
Nauna ng tumanggi si Tan na paatrasin ang militar at pulisya, ngunit nanaig umano ang kagustuhan ni Puno na mag pull out ang mga tropa dahil sa pangako ng Abu Sayyaf na palalayain ang isang bihag.
Patuloy naman diumano ang pagmo-monitor ng mga sundalong Kano sa Sulu sa naturang sitwasyon at naghihintay lamang na humingi ng tulong ang pamahalaang Arroyo sa US Embassy upang mailigtas ang tatlong bihag. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment