ZAMBOANGA CITY, Pilipinas (Mindanao Examiner / Mar. 29, 2009) – Sa ikalawang pagkakataon, muling naisahan ng Abu Sayyaf ang pamahalaan matapos na pumalya itong pakawalan ang isang bihag sa kabila ng pull out ng maraming mga parak, sundalo at sibilyan na nakapalibot sa kanilang kuta sa kabundukan ng Sulu.
Sinabi ni Sulu Gov. Sakur Tan na tinawagan siya ni Abu Sayyaf commander Albader Parad at sinabing dapat pang iurong ng militar at pulisya sa bayan ng Jolo lamang ang lahat ng puwersa nito sa lalawigan.
Ito’y matapos na iurong ni Interior Secy. Ronaldo Puno ang puwersa ng pamahalaan sa kapaligiran ng bayan ng Indanan sa kagustuhan ng Abu Sayyaf na nagbantang pupugutan ng ulo ang tatlong Red Cross workers na sina Swiss national Andreas Notter, Italian Eugenio Vagni at Pilipinang si Mary Jean Lacaba kung hindi aatras ang militar at pulisya.
Naunang umatras nuong nakaraang linggo ang marines sa Indanan kapalit ng pangako ni Parad kay Sen. Richard Gordon, na pinuno ng Philippine National Red Cross, ngunit hindi rin ito tinupad ng Abu Sayyaf.
Samantala, matindi ang demoralisasyon sa hanay ng militar at pulisya dahil sa kautusan ni Puno na iatras ang mga puwersa. Tatlong sundalo na ang nasawi at 23 iba pa ang sugatan sa hanay ng marines dahil sa sagupaan sa Abu Sayyaf ng magtangka ang grupo ni Parad na tumakas mula sa cordon ng militar.
Maging ang pulisya ay dismayado sa order ni Puno, ngunit wala naman magawa ang mga opisyal sa kautusan nito. Maging si Tan ay hindi sangayon sa pull out ng mga tropa dahil tiyak na makakatakas ang Abu Sayyaf at madagdagan ang puwersa nito at armas.
Napaulat na humihingi ng mula $1-$10 milyong ransom ang Abu Sayyaf kapalit ng paglaya ng mga bihag na dinukot nuong Enero 15 sa bayan ng Patikul matapos na bumisita sa isang bilangguan. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment