Thursday, March 12, 2009

Zambo, alarmado sa bomb attack


Nililitratuhan ng isang miyembro ng police bomb squad ang package na may hinihinalang bomba, ngunit suka lamang pala ang laman nito. iniwan ang package sa baggage counter ng Shopper's Central sa Zamboanga City. (Mindanao Examiner Photo / Jung Francisco)


ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 12, 2009) – Nagkagulo kahapon sa Zamboanga City matapos na mapabalitang may bombing iniwan sa baggage counter ng isang malaking department store sa downtown area.

Ang hinihinalang bomba ay nasa isang package na naka-address kay Datu Morsid Mohamad sa Zamboanga City at ang pinanggalingan pa nito ay sa Al Yamamah Hospital sa Saudi Arabia.

Naalarma ang guwardiya matapos na walang kumuha sa nasabing package sa Shopper’s Central at agad na humingi ng tulong sa pulisya. Mabilis rin pinasara ang nasabing department store sa takot na sumabog ang package.

Ngunit ng ito’y buksan ng bomb squad ng pulisya ay isang galong suka at kanin lamang ang laman. Hindi naman mabatid kung sino ang nagiwan ng package, ngunit ang binomba na noon ng Abu Sayyaf ang SAhopper’s Central kung kaya’t ganoon na lamang ang takot ng mga naroroon.

Kamakalawa lamang ay dalawang lugar sa Zamboanga City – ang Barangay Guiwan at Culianan – ang pinagtaniman ng bomba na gawa mula sa 81mm mortar. (Jung Francisco)

No comments: