

Ang mga nagpo-protestang trike drivers sa harapan ng Konseho ng Zamboanga City nuong Huwebes, Marso 12, 2009. (Mindanao Examiner Photo / Jung Francisco) ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 13, 2009) – Ipinoprotesta ng mga tricycle drivers dito ang ipinapanukalang ordinansa sa paggamit ng liquefied petroleum gas o LPG sa lahat ng mga 2-stroke tricycle na bumibiyahe sa Zamboanga City.
Galit ang maraming driver dahil malaking halaga ng pagko-convert ng kanilang makina at naipasa na iakalawang reading sa Konseho ang naturang panukala.
Idinadaing ng mga tricycle drivers at operators ang mataas na halaga ng conversion ng kanilang makina sa LPG.
“Paano naman naming makakaya ang bayad sa LPG system eh ang liit lang ng aming kinikita. Ano pa ang aming ipapakain sa aming pamilya?,” tanong pa ng isang driver.
Iginigiit pa ng mga drivers na walang public hearing at ni hindi man lamang kinonsulta ang mga asosasyon ng tricycle drivers sa Zamboanga ukol sa panukala. Posible umanong magsagawa pa ng mas malaking protesta ang mga tricycle drivers upang iparinig ang kanilang hinaing sa mga konsehal.
Nagbanta naman ang mga iba na kanilang ikakampanya na huwag iboto sa susunod na halalan ang mga konsehal na lumagda sa naturang panukala. Suportado naman ito ng mga militanteng grupo sa Zamboanga. (May ulat ni Jung Francisco)
No comments:
Post a Comment