Monday, April 13, 2009

Apat sa North Cotabato, minasaker!

KIDAPAWAN CITY – Apat na katao ang walang awang pinatay matapos na lusubin ng mga armadong lalaki ang isang bahay sa bayan ng Matalam sa North Cotabato province.

Sinabi ng pulisya na naganap ang masaker nuong Abril 8 sa Purok Rizal sa Sitio Israel na sakop naman ng Barangay New Abra. Ayon sa ulat ng pulisya ay mahigit sa 30 katao ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen at may hinalang away sa lupain ang posibleng motibo nito.

Nakilala ang mga nasawi na sina Romulo Hernandez, 50 at anak nitong sina Dennis, 20, at Ryan, 14 at isang John Ontal, 14.

Nakaligtas naman sa tiyak na kamatayan ang may-bahay ni Romulo na si Vigilia at isang anak na menor-de-edad.

Kanila ay nailibing na ang mga biktima, subalit hustisya naman ang sigaw ng mga kaanak nila. Blangko pa rin ang mga awtoridad sa identipikasyon ng mga salarin, ngunit sinisipat umano ng pulisya ang balitang may natanggap na banta ang pamilyang Hernandez nuong Abril 1 at may kinalaman ito sa lupain.

Bago nasawi si Romulo ay nagawa pa nitong sigawan ang asawa na tumakas agad at isama ang anak. Pinaputukan rin ng mga armado ang mag-iina ngunit masuwerteng hindi ito natamaan.
Inaalam rin ng mga awtoridad kung may kinalaman sa masaker ang mga rebeldeng grupo sa naturang bayan. (Geo Solmerano)

No comments: