COTABATO CITY - Handa na umano ang P1.7 milyon initial na pondo para sa Special Program for Employment for Students (SPES) para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ayon sa Philippine Information Agency.
Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) – ARMM Secretary Antonio Mariano na ginagawa na nito ang paghahanda sa mga dokumento para sa nasabing programa.
Ayon kay Mariano ang nasabing pondo mula sa national government ay handa na para sa mga lalawigan ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi na magpapatupad ng SPES Program para sa taong ito.
Ang SPES ay isang programang nagbibigay ng pagkakataon sa mga qualified na mga mag-aaral na magtrabaho habang bakasyon.
Ayon sa kalihim hinihintay na lamang ng kanilang tanggapan ang iba pang mga kakailanganing dokumento mula sa mga lalawigan. Kasama sa mga dokumento ang mga pangalan ng mga qualified beneficiaries na isusumite mula sa mga lalawigan at dapat pirmado at inendorso ng mga provincial governors.
May direktiba umano si ARMM Governor Datu Zaldy Uy Ampatuan kay Mariano na bigyan prioridad ang mga mag-aaral na labis ang pangangailangan ng tulong.
Ang nasabing pondo ay ibibigay sa mga qualified na mag-aaral sa pamamagitan ng cashcards at sa pamamagitan ng reimbursement.
No comments:
Post a Comment