SULU (Mindanao Examiner / Apr. 24, 2009) – Mistulang karayom sa malawak na kakahuyan ang paghahanap na isinasagawa ng militar at pulisya sa nalalabing Italyanong Red Cross hostage ng Abu Sayyaf sa Sulu province.
Tatlong araw ng pinaghahanap ng daan-daang mga sundalo at parak si Eugenio Vagni ngunit bigo pa rin ang mga ito na matagpuan ang dayuhan na sinasabing may sakit sa kabundukan ng Sulu.
Dalawang bayan ng Sulu – sa Indanan at Parang – ang Sentro ng search and rescue operation matapos na mahiwalay si Vagni sa kasamahang si Swiss national Andreas Notter na nailigtas naman ng mga parak nuong nakaraang linggo.
Inamin ni Notter na hirap na hirap si Vagni sa kanyang kalagayan dahil sa pamamaga ng mga bayag nito sanhi ng hernia. Si Notter ay nakabalik na sa kanyang bansa.
Unang pinalaya ng Abu Sayyaf nuong Abril 2 si Mary Jean Lacaba, ang kasamang Pinay nina Vagni at Notter. Dinukot ang tatlong nuong Enero 15 matapos na bisitahin ang isang humanitarian project sa bilangguan sa bayan ng Patikul.
Nag-alok na rin ang mga awtoridad ng P500,000 bilang pabuya sa sinumang makakapagturo ng kinaroroonan ni Vagni. Nauna kasing napaulat na ibinigay ng Abu Sayyaf sa ilalim ni Albader Parad si Vagni sa isang grupo ng mga rebelde, ngunit itinanggi naman ito ng militar.
Kamakalawa ay nagkaroon ng sagupaan sa bayan ng Talipao sa pagitan ng Abu Sayyaf at mga awtoridad, ngunit wala namang inulat na nasawi, ayon kay Sulu police chief Julasirim Kasim. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment