Friday, May 08, 2009

Pulisya sa Sulu, nakaluksa sa pagkamatay ng hepe

Senior Supt. Julasirim Kasim, bayani ng Sulu. (Mindanao Examiner Photo)



SULU (Mindanao Examiner / May 8, 2009) – Nakaluksa ngayon ang buong puwersa ng pulisya matapos na mapatay sa ambush si Sulu provincial police commander, Senior Supt. Julasirim Kasim at tatlong iba pang pulis at utol nito sa bayan ng Maimbung.

Kilala si Kasim bilang tahimik na opisyal at palaging namumuno sa mga operasyon kontra Abu Sayyaf at masasamang loob sa Sulu. At bagamat marami itong accomplishment ay hindi naman nakahiligan ni Kasim na magpa-press conference o kaya ay magtawag ng media, sa halip ay kay ARMM Chief Supt. Bensali Jabarani, ang kanyang hepe, at kay Sulu Gov. Sakur Tan nito ibinibigay ang kanyang report.

Si Kasim rin ang nasa likod ng matagumpay na kampanya ng pamahalaan sa mga "loose firearms" at ilegal na droga sa Sulu. Likas rin itong mahiyain at mapagkumbaba - isa rin si Kasim sa mga respetadong opisyal sa pulisya sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Hindi pa mabatid kung sino ang papalit kay Kasim, ngunit sinabi naman ng pamunuan ng pulisya na depende na ito sa kagustuahan ni Tan.

Tanging papuri naman ang sinambit ni Tan kay Kasim at isang malaking kawalan umano sa pulisya ang maagang pagkasawi ng opisyal at binansagan nitong isang dakila at bayani si Kasim.

Si Kasim ay 55 gulang.

Samantala, nakilala na ang dalawa sa apat na Abu Sayyaf na napatay ng mga parak sa Maibung na sina Abul Rahim at Joko. (Mindanao Examiner)

No comments: